Mga bulok sa kapulisan, sibakin at parusahan
- BULGAR
- 1 day ago
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Apr. 13, 2025

Nakakadismayang mabatid na kung sino pa ang itinuturing natin na mga tagapagpatupad ng batas at dapat na poprotekta sa mga mamamayan ay sila pang nasasangkot o nalalantad sa ilegal na droga.
Ayon sa Police Regional Office-Davao (PRO-11), nasa tatlong police officer ang nagpositibo sa paggamit ng methamphetamine hydrochloride o shabu sa Davao Oriental matapos ang isinagawang random drug test.
Ang mga naturang pulis, batay sa ahensya, ay may rank na staff sergeant, corporal, at patrolman na nakatalaga sa Provincial Intelligence Unit at Provincial Mobile Force Company.
Base sa kanilang polisiya, isinailalim na ang tatlong pulis sa restrictive custody at maaaring maharap sa kasong administratibo.
Paliwanag ng PRO-11, ang random drug test ay bahagi ng kasalukuyang internal cleansing campaign nila upang matiyak ang tinatawag na drug-free police force.
Sinabi rin ng ahensya na paalala ito na ang internal cleansing ay isang shared responsibility, kung saan ang layunin ay hindi lamang para matukoy ang mga paglabag, kundi para matulungan ang kanilang mga kawani na manatili na nasa tamang direksyon. Patuloy naman anilang itinataguyod ang pinakamataas na pamantayan ng serbisyo habang nagbibigay ng mga oportunidad o pagkakataon para sa paglago sa loob ng kanilang hanay.
Ang saklap naman ng ganitong report na habang namamayagpag ang mga drug lord sa talamak na droga ay nagiging parokyano pa ng mga ito ang ating kapulisan na tila
nagiging kasangkapan din sila sa ilegal na gawain.
Kumbaga, iyong inaasahan natin na lalabanan dapat at tutulong para mailayo tayo sa ilegal na droga ay sila palang nagiging adik naman dito.
Kaya hindi talaga natin masisisi ang maraming kababayan na mawalan na ng tiwala, na ayaw o hindi sumusunod sa ipinatutupad na batas dahil sa mismong mga lumalabag at pasaway na mga naturang alagad ng batas.
Panawagan lang sa kinauukulan, kung gusto nating maging maayos ang ating pamumuhay at magkaroon ng mapayapang komunidad, unahin sana nating linisin ang mga ganitong organisasyon, at tanggalin ang mga bulok sa hanay ng kapulisan, gayundin sa kasundaluhan, militar at lahat ng tagapagpatupad ng batas. Mas mabigat na parusa ang kailangang ipataw sa lahat ng lumalabag sa kanila upang sila ay tumino at hindi na makapanghawa o gayahin pa ng iba.
At para sa kapulisan, kahit mahirap ay sikapin sanang tuparin ang tungkulin, maging tapat sa serbisyo at isapuso ang paglilingkod sa mamamayan at sa ating bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments