top of page
Search
BULGAR

Mga botika, dapat laging may supply ng mga gamot na VAT exempted

ni Ryan Sison @Boses | Nov. 28, 2024



Boses by Ryan Sison

Upangmaging mas abot-kaya ang mga gamot na kinakailangan ng mga maysakit, ilan sa mga ito ay exempted na sa value-added tax (VAT), pero paano kung ang mga gamot na ito ay hindi madaling makuha o mabili sa mga botika?


Kaya naman hinimok ng isang mambabatas ang mga drugstore at medicine retailers na tiyaking available o madaling ma-access ng mga mamimili ang mga medisina na VAT exempted. 


Ginawa ni Sen. Win Gatchalian ang panawagan matapos na iendorso kamakailan ng Food and Drug Administration (FDA) sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang 17 pang gamot na exempted sa 12-percent VAT, kung saan walo rito ay para sa diabetes, apat ay para sa treatment ng cancer at tatlo ay para sa mental illness.


Iginiit niyang dapat na tiyakin ng mga botika at retailer na ang mga medisina na sakop ng VAT-free exemption ay madaling makukuha o mabili ng mga konsyumer gaya ng itinatadhana ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Act.


Sa ilalim ng mga panuntunan ng BIR, nagsimula na ang bisa o effectivity ng pinakabagong VAT exemption noon pang November 25. Ito na ang ikaanim na pagkakataon ngayong taon na na-update ng FDA ang listahan ng mga gamot na walang VAT.


Matatandaang noong August ay isinama ng BIR sa listahan ang 15 gamot, kung saan pito rito ay para sa treatment ng cancer, lima para sa hypertension, dalawa para sa mental illness, at isa para sa high cholesterol.


Binanggit din ng senador ang kahalagahan ng pagbibigay ng suporta para sa mga dumaranas ng mga karaniwang sakit tulad ng diabetes at hypertension, dahil na rin sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.


Samantala, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang tatlong nangungunang sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas noong 2023 ay sakit sa puso, cancer, at cerebrovascular disease, na bumubuo ng pinagsamang 40 porsyento ng mortality.


May punto talaga ang naturang mambabatas na dapat ang mga prescribed medicine na ito ay madaling mabili sa lahat ng mga botika.


Kumbaga, VAT-free medicine nga ang mga ito pero kung mahihirapan naman ang mga maysakit na makakuha at makainom ng mga gamot na lunas sa kanilang mga karamdaman dahil hindi available sa mga botika ay wala ring mangyayari at baka lumala pa ang kanilang sakit. 


Kaya hiling natin sa mga drugstore outlet, generic drugstore, medicine retailers, at mga katulad nito, na siguraduhing mayroon kayong mga supply ng mga nasabing gamot at hindi out of stock para naman madaling makabili ang mga maysakit nating kababayan.


Pairalin na lang sana natin na makatulong sa kanila sa pamamagitan ng agad ng pagbibigay ng mga gamot na kinakailangan. Isipin sana natin na dahil dito ay nagiging instrumento pa tayo para gumaling sila sa kanilang karamdaman at mapabuti o mapahaba ang kanilang buhay.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page