ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 18, 2021
Mahalaga ang papel ng bawat OFWs sa ating bansa. Sa ating panahon, itinuturing din silang mga bayani. Malaking bahagi ng remittance nila ang pumapasok sa kabang bayan.
Pero kamakailan, nawalan ng respeto ang ilang embassy officials, partikular sa OFWs sa Taiwan, nang sungitan at basta na lang palayasin nang maghabol para makapagparehistro at magkaroon ng tsansang makabahagi sa paparating na eleksiyon.
Nakalulungkot makita ang ganitong sitwasyon na sa isang iglap, kapwa pa Pinoy ang gagawa nito sa ating mga kababayan na inaasahan sanang sila ang magbibigay ng maayos na trato at proteksiyon sa ating mga kababayang OFWs. Ano ang nangyari?
Eh, ikatwiran ba naman ng embassy official sa Taiwan na last minute sila? Daing ng ating OFWs doon, hindi sila last minute dahil ilang araw bago ang deadline sila nagpuntahan o nag walk-in sa lugar para makapagparehistro, kundangan ba naman na dapat nagrehistro sila online at hindi na puwede dahil puno na.
Namasahe sila, nagsi-day off, at masigasig na magparehistro, pero ano ng dinatnan nila roon, na-humiliate pa sila? Napakaraming reklamo rin ang mga OFW sa Middle East na bumibiyahe galing sa malalayong lugar para lang makarating sa mga embahada ng ‘Pinas. Santisima! Bakit ganun ang trato sa ating mga kababayang OFWs?
IMEEsolusyon, Comelec, paki-check ninyo ang pangyayaring ‘yan at baka gawin din ‘yan sa iba pang bansa. Makisuyo na pagsabihan naman ang ating mga opisyales doon na nakatalaga sa registration na irespeto at itrato ng maayos ang ating mga kababayan, maayos na paliwanagan, at bigyan ng pagkakataong makapag-parehistro.
Reminder, registration pa lang, baka naman ‘pag mismong botohan na, maulit ang mga hindi maayos na trato sa ating mga kababayan! Pakisiguro na napapanatili ang pagpapahalaga sa ating OFWs.
IMEEsolusyon na sana ay mabigyan pa ng pagkakataong makahabol ang iba pa o baka puwedeng bigyang-ekstensiyon kung posible sa mga walk-in na gustong magrehistro. Pihadong marami pang OFWs ang gustong humabol.
Remember Comelec, inilaanan ang inyong ahensiya ng badyet ng ating pamahalaan para makapagbigay ng maayos na serbisyo sa ating mga kababayan, lalo na sa OFWs na bilyones ang kontribusyon sa ating ekonomiya. Dahil sa mga remittance ng OFW, nakakaahon ang ating ekonomiya. Alam naman nating mabilis na tutugon ang Comelec sa ating panawagan. Plis lang!
Comentários