ni Eddie M. Paez Jr. / Gerard Arce - @Sports | September 16, 2020
Hindi nakaligtas maging ang malalakas na pangangatawan ng 25-strong na German National Boxing team matapos mapag-alamang tinamaan ang “malaking bilang” ng miyembro nito ng coronavirus disease habang naghahanda para sa 2020 Tokyo Olympic Games sa Austrian Alps.
Iniulat ng German Boxing Federation na kinabibilangan ng 18 boksingero at 7 staff members ang kasalukuyang naka-quarantine sa isang training camp sa Laegenfeld sa Tirol, Austria, matapos kakitaan ng sintomas, ngunit nasa mabuting kondisyon.
“The boxers are now in quarantine. They aren’t showing strong symptoms and can even keep training,” wika ni DBV director Michael Mueller sa panayam ng AFP.
Ayon pa kay Mueller, mahigpit na binabantayan ang kondisyon ng mga atleta, habang papayagan na ang mga itong makabalik ng kanilang tahanan sa mga susunod na linggo, kung saan hindi nabanggit kung ilan ang eksaktong nakakuha ng COVID-19 sa grupo.
Inilathala rin ang reports ng pahayagan Der Spiegel ng Germany na nasimulang kakitaan ng mga senyales ng cold-like symptoms ang mga boksingero noong nakalipas na Martes, bago ang pagkumpirma sa hinihinalang COVID-19 noong nakaraang Miyerkules. Patuloy na nagsasanay ang mga national boxers nito kahit pa man naipagpaliban na ang 2020 Tokyo Olympics ngayong taon.
Tinukoy din ng German media ang pananatili ng mga boksingero sa Laegenfeld Hotel, kung saan namalagi rin ang koponan ng Bundesliga football club na Schalke 04 nitong huling linggo ng Agosto, na napag-alamang nagpositibo rin sa COVID-19 habang namamalagi sa nasabing lugar.
Ipinagtanggol naman ni Mueller ang desisyong dalhin ang boxing team sa Austria dahil mababa naman umano ang kaso ng coronavirus sa naturang lugar bago sila doon nagtungo.
Ayon naman sa ibang ulat, tulad umano ng ibang European countries, nakakita ng pagtaas ng kaso ng sakit sa Austria kamakailan. “We have gained some valuable experiences that we can use on our next trips,” saad ni Mueller. “Anyone who thinks the preparation for the Olympics can happen without any coronavirus cases, is not living in reality.”
Matatandaang nagdesisyon ang International Olympic Committee (IOC) at Japanese organizers na ipinagpaliban sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Summer Games ang mga laro dahil sa nagaganap na pandemya sa buong mundo, samantalang inilipat na lamang sa bagong petsa na July 23-Agosto 8, 2021 ang kumpetisyon sa Tokyo, Japan.
תגובות