ni Ryan Sison - @Boses | November 3, 2022
Hindi lamang mga bahay at establisimyento ang nasira dahil sa hagupit ng Bagyong Paeng, kundi maging ang mga paaralan ay hindi nakaligtas, kung saan tinatayang lagpas 200 na eskwelahan ang nagtamo ng pinsala mula sa bagyo.
Base sa datos ng Department of Health (DOH) hanggang noong Oktubre 31, 261 paaralan ang nasira dahil sa bagyo, kung saan 381 silid-aralan ang maituturing na “totally damaged”.
Gayunman, nilinaw ng DepEd na patuloy na tumataas ang bilang ng pinsala dahil tuluy-tuloy ang assessment at report ng ahensya.
Sa huling ulat hinggil sa pinsala ni ‘Paeng’, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na ang mga napinsalang paaralan ay naiulat sa Oriental Mindoro at Davao Occidental.
Samantala, iniulat din ng DepEd na 528 paaralan ang ginagamit bilang evacuation centers.
Ayon sa datos, higit 2.4 milyon katao sa bansa ang naapektuhan ng bagyo, kung saan nasa 190,000 ang nananatili sa 2,728 evacuation centers.
Sa totoo lang, nakakalungkot na balita dahil kung kailan balik-eskwela ang mga mag-aaral ay saka pa napinsala ang mga paaralan.
Gayunman, no choice tayo kundi mag-move on. Tuloy ang pagbangon at pokus na ulit sa pagtataguyod ng edukasyon.
Pero bago ang lahat, tanging pakiusap natin sa mga kinauukulan, suriing mabuti ang kondisyon ng mga napinsalang paaralan. Kung hindi maaaring magamit, sana’y magkaroon ng temporary learning shelter upang maipagpatuloy ang mga klase.
Para naman sa mga silid-aralan na puwedeng pagtiyagaan, tiyakin muna nating ligtas na magagamit ang mga ito, gayundin ay dapat malinis para maiwasan ang anumang sakit.
Habang tinitiyak nating makakausad tayo mula sa malalang pinsala ng bagyo, mahalaga na maipagpatuloy nang ligtas ang mga klase.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments