ni Gerard Arce @Sports | February 22, 2024
Mga laro ngayong Huwebes (FilOil EcoOil Arena)
3 n.h. – Galeries vs PLDT
5 n.h. – NXLed vs Choco Mucho
Magiging sentro ng atensyon kung tunay na magiging epektibo ang mga bagong papalo sa koponan ng PLDT High Speed Hitters na sina Kim Fajardo, Majoy Baron, Shiela Kiseo, Kiesha Bedonia at Kim Kianna Dy upang mabitbit sa kauna-unahang podium finish sa pagsisimula ng kampanya kontra sa Galeries High Risers, habang lilipad muli ang last conference runner-up na Choco Mucho Flying Titans kontra palaban na NXLed Chameleons sa ikalawang laro ng 8th season ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference ngayong araw sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City
Masisilayan ang mga bagong manlalaro, maliban kay Dy, na hinihintay ang kabuuang pagrekober sa injury, sa ikalawang araw ng hampasan sa Pebrero 22 kontra sa Galeries High Risers sa unang laro ng 3 p.m. na susundan ng Choco Mucho at NXLed sa 5 p.m. Pansamantala namang mamamahinga sa laro ang beteranong middle blocker na si Mika Aereen Reyes dulot ng inorperahang kanang balikat.
Magiging kabalikat si Fajardo ni playmaker Rhea Dimaculangan, habang katulong naman sa depensa si Baron sina Dell Palomata, Jessey De Leon at Rachel Anne Austero.
Magsisilbi namang karagdagang opensa ang mga dating Far Eastern University Lady Tamaraws na sina Kiseo at Bedonia para kina Filipino-Canadian spiker Savannah Dawn Davison at Fiola Ceballos, samantalang aantayin ang debut game ni Dy na hahalinhinan muna ni rising spiker Erika Mae Santos at Jules Samonte para sa opposite, habang magiging pangunahing taga-damba sa depensa sina Maria Viray at team captain Kath Arado.
Comments