top of page
Search
BULGAR

Mga benepisyo ng Barangay Micro Business Enterprises

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 27, 2023


Dear Chief Acosta,

Nais ko sanang magtayo ng isang maliit na negosyo rito sa aming barangay. Gusto kong malaman kung mayroon bang batas na nagbibigay ng mga benepisyo para sa maliliit na negosyo? - Ricky


Dear Ricky,


Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 9178 o mas kilala bilang “Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) Act of 2002”.


Ayon sa nabanggit na batas, ang BMBE ay isang negosyo na may kinalaman sa produksyon, pagproseso, o paggawa ng mga produkto, maging ang negosyong may kinalaman sa agro-processing at pagbibigay ng serbisyo, na kung saan ang halaga ng kabuuang pag-aari ng nasabing negosyo ay hindi hihigit sa Php 3,000,000.00. Hindi kabilang sa nabanggit na limitasyon ang halaga ng lupa kung saan matatagpuan ang opisina, planta, o mga kagamitan sa negosyo. (Sec. 3 (a), R.A. No. 9178)


Kaugnay nito, nakasaad din sa Seksyon 5 (b) ng Republic Act No. 10644 na kinikilala bilang “Go Negosyo Act” na:


“(b) Certificate of Authority for Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) – The DTI, through the Negosyo Center in the city or municipal level, shall have the sole power to issue the Certificate of Authority for BMBEs to avail of the benefits provided by Republic Act No. 9178, otherwise known as the “Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) Act of 2002”.


Upon the approval of registration of the BMBE, the Negosyo Center shall issue the Certificate of Authority, renewable every two (2) years. The DTI, through the Negosyo Center may charge a fee which shall not be more than One thousand pesos (P1,000.00) to be remitted to the National Government.”


Samakatuwid, ang kuwalipikadong negosyo ay kailangang magparehistro bilang isang BMBE sa tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng Negosyo Center sa lungsod o munisipalidad kung saan ito matatagpuan at mabigyan ng Certificate of Authority upang matamasa ang mga sumusunod na benepisyo ng batas:


(1) exemption sa pagbabayad ng income tax buhat sa operasyon ng negosyo; (2) exemption sa pagbabayad ng minimum wage sa mga empleyado, ngunit ang mga nasabing empleyado ay may karapatan sa lahat ng benepisyo na nararapat sa isang regular na manggagawa; (3) pagkakaroon ng pagkakataon na mangutang sa Land Bank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP), Small Business Guarantee and Finance Corporation (SBGFC), at People’s Credit and Finance Corporation (PCFC) para sa pangangailangang pinansyal ng isang BMBE. (Secs. 7-9, R.A. No. 9178)


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page