ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 28, 2024
Ginunita natin ang National Heroes Day o Araw ng mga Bayani nitong nakaraang Lunes. Sinariwa natin ang kabayanihan ng mga pinagpipitagang personalidad sa kasaysayan ng Pilipinas, silang mga nagdusa’t nag-alay ng kanilang buhay para sa ating kasarinlan.
Gayundin sa kasalukuyan, marami tayong itinuturing na bayani ng makabagong panahon, ng bagong henerasyon.
Sila ang ating mga kababayang naghahanapbuhay sa ibang bansa, na tinitiis mapalayo sa kanilang mga mahal sa buhay habang sa kabilang banda, ay nakapag-aambag sa pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas.
Sila ang ating mga guro, na hindi matatawaran ang pagsisikap at pagtitiyaga para makapagpalalim ng karunungan at makapukaw ng diwa ng mga mag-aaral na matayog ang pangarap.
Sila ang mararangal na mga pulis, sundalo at coast guard, na ang katapangan sa pagharap sa panganib ay ating sandata para ipagtanggol ang sambayanan at bayan.
Higit sa lahat, bawat isa sa atin ay may taglay at kakayanang maging bayani kung ating pipiliin kahit sa payak na pamamaraan.
Paano? Tulad ng pagbibigay ng inuming tubig o pagkain sa kababayang nangangailangan sa lansangan o saan man. O ng kaunting halaga hindi lamang sa namamalimos kundi sa waiter o security guard o parking attendant na nag-asikaso sa atin.
Tulad ng pagtangkilik sa malapit na sari-sari store o panaderya, o sa suking maagang gumigising sa pagbebenta ng sinusubaybayan nating BULGAR, o pagsuporta sa dumadaang magtataho, sorbetero o magbabalut — maliit na bagay ngunit malaking tulong sa bibilhan.
Tulad ng maayos na pagbubukod-bukod ng ating basura o ang paghihiwalay sa nabubulok sa hindi, o ang tamang pagliligpit ng mga de-latang maaaring makasugat sa ating mga ulirang basurero.
Kadakilaan din ang pagdamay at pagkalinga sa kaibigang may mabigat na pinagdaraanang naghahanap ng makakasama para maibsan ang lungkot na dala ng pagkabigo o nakapanlulumong pangyayaring dumating nang hindi inaasahan sa kanyang buhay.
At napakarami pang ibang pamamaraan.
Hindi lamang dapat maging bayani para sa sariling pamilya, kundi maging sa iba. Napakalaki ng mundong ating ginagalawan para lamang uminog ito sa apat na sulok ng ating tahanan. Ang pagpapalawak ng naaabot ng pisi ng ating kabutihan at kadakilaan hanggang sa kaya nitong maabot ay pagpapayabong ng mga bunga nito para sa ikabubuti ng mas nakararaming Pilipino.
Sa bawat pagkakataon, sa kabila ng ating sariling mga pananagutan at pinagkakaabalahan ay asintaduhin nating ilagay ang sarili sa lugar ng iba.
Hindi kailangang magpamalas ng kagila-gilalas na lakas para makatugon sa iba. O magkaroon ng kakaibang talento para abutin ang marami. Sa pagiging matulungin at maalalahanin kahit sa munting paraan, maaari nating ipadama sa kapwa na kaya nilang makabangon, makabuwelo at makalipad sa tamang panahon — sa bagwis at dampi ng ating pagtulong.
Tumugon tayo sa samu’t saring tawag ng kabayanihan sa bawat araw. Huwag umasa ng anumang sukli o kapalit. Sapat na ang kaligayahang dala ng pagtugon sa panawagan ng kabutihan para magkaroon ng lakas na magpatuloy. Ang tunay na bayani ay hindi nakatuon ang pansin sa sarili, at hindi naghahangad ng pagkilala sa anumang kanyang ginawang kabayanihan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comentários