ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | May 4, 2024
Magandang balita ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Nito kasing Enero 2024, naitala ng ahensya ang pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o unemployed.
Ayon sa datos, bumaba sa 2.15 milyon ang unemployed Filipinos mula sa dating bilang na 2.38 milyon noong Enero 2023. Napakagaan sa loob na mabasa ang ganito, dahil ibig sabihin, lumulusog talaga ang ating ekonomiya. Lumalakas ang mga negosyo dahil nagkaroon sila ng kakayahang mag-hire ng mga dagdag na manggagawa.
Ayon naman sa Department of Trade and Industry (DTI), tumaas din ng 5 porsyento ang bilang ng mga negosyo sa bansa, base na rin sa business names na pumasok sa kanilang talaan. Karamihan sa mga ito, ayon sa ahensya ay maliliit na negosyo tulad ng mga community-based entrepreneurs.
Sa IT-BPO sector naman, lumalabas na lumalaki rin ang pangangailangan nila ng magagamit na tanggapan dito sa bansa. Ibig sabihin, patuloy din ang kanilang paglakas, at nangangahulugan ito na mas maraming trabaho na ang magiging available sa mga Pinoy. Sa kabila nito, hindi pa rin masasabi na magiging madali para sa mga kababayan natin ang makakuha ng trabaho. Nasusuong pa rin sila sa iba’t ibang hamon ng buhay.
Hindi kasi easy-easy lang ang humanap ng trabahong maganda ang pasuweldo o ‘yung tiyak na makakasapat sa isang tao o sa kanyang pamilya. Hanggang ngayon kasi, hindi pa rin nabubura ang kontraktuwalisasyon sa bansa.
Maging ang magandang kondisyon sa pinapasukan ng ating mga kababayan o ang kanilang mga pinagdaraanan sa pagpasok sa trabaho ay itinuturing ding very challenging lalo na sa ganitong matinding tag-init na nararanasan natin. Hindi man natin magawa ang lahat ng puwedeng gawin upang maresolba ang mga isyung tulad nito, puwede naman siguro tayong makabuo ng mga hakbang na mas makagagaan sa kanilang mga pinagdaraanang hirap makaalpas lamang sa pang-araw-araw na buhay.
Sa loob ng 20 taon natin bilang lingkod-bayan (9 na taon bilang kongresista at 11 taon bilang senador), ito ang nangunguna sa ating mga adbokasiya – ang mapagaan ang buhay ng mga manggagawang Pinoy.
Kung inyong mamarapatin, narito ang ilan sa malalaki at mahahalagang batas na ating naipasa para sa Filipino workers: Ang Republic Act 9710 na isinabatas noong 2009, o ang Magna Carta of Women na ang pangunahing layunin ay resolbahin at tutukan ang mga pangangailangan ng kababaihan partikular ang mga nasa laylayan.
Pinagtibay ng batas na ito ang pagpapalakas sa karapatan ng kababaihan sa lahat ng aspeto tulad ng pamilya, komunidad at lipunan. Makalipas naman ang halos isang dekada, naisabatas din ang ating isinulong na 105-Day Expanded Maternity Leave Law o ang RA 11210. Nagbibigay ito ng mas mahabang panahon sa isang ina na kapapanganak pa lamang, upang mabigyan ng angkop na atensyon at nutrisyon ang kanyang bagong silang na sanggol. Mahaba-habang panahon din ito para makabawi ng kalusugan ang ina.
Ang RA 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law na naging daan upang mapababa ang income tax rates o binabayarang buwis ng salaried workers. Dahil dito, mas lumaki ang kanilang take-home pay.
Ang Republic Act 10801 na nagpalakas sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA at nagbigay sa kanila ng mandato na tulungan ang overseas Filipino workers (OFWs) na dumaranas ng iba’t ibang problema sa kanilang pinapasukang trabaho sa ibayong dagat. Ito rin ang batas na nag-aatas sa OWWA na tulungan ang OFWs na ma-reintegrate sa ating lipunan matapos ang sapilitang pagpapabalik sa kanila sa Pilipinas.
Para naman sa mga kabataang nangangailangan ng trabaho, nariyan ang ating R.A. 10869 o ang JobStart Philippines Act. Ito ang maghuhulma sa employability ng mga Pilipinong may edad 18 hanggang 24 sa pamamagitan ng training, internship kung saan tatanggap din sila ng allowance at full-cycle employment facilitation services. Ito ring batas na ito ang nagpalawak sa kapasidad ng Public Employment Services Offices (PESOs) na nagsisilbing frontline for employment and services ng gobyerno.
Nariyan din ang RA 10917, ang Expanded Special Program for the Employment of Students (SPES) na nagbibigay ng pansamantalang hanapbuhay sa ating mga out-of-school youth, gayundin sa mga dependent ng mga manggagawang bigla na lamang nawalan ng trabaho para matulungan naman silang makabangon.
Ang R.A. 10361, Batas Kasambahay Act na sisigurong hindi mapababayaan ang kapakanan ng ating mga kasambahay. Isinasaad sa batas ang kaukulang benepisyo at social protection para sa kanila. Sa ilalim ng batas, itinaas ang kanilang buwanang suweldo, kailangan din silang maipasok sa SSS, PhilHealth at Pag-ibig Fund. Isinasaad din dito na araw-araw ay kailangang mayroon silang rest period o pahinga.
Ang RA 11965 (Caregivers Welfare Act) na gumagarantiya sa mga benepisyo at sumisiguro sa karapatan ng mga caregiver. Ito ring batas na ito ang nagsisilbi nilang kalasag laban sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso ng kanilang mga employer.
Ang RA 11962 (Trabaho Para sa Bayan Act) na katuwang ng mga Pilipino para sa kanilang upskilling and reskilling upang mas maging employable kahit sa mga trabahong hindi nila nakasanayang gawin. Ibig sabihin, ito ang batas na nagbibigay sa Filipino workers ng mas malaking oportunidad na magkatrabaho.
Ilan lamang ang mga batas na ito sa isinulong at naisabatas natin sa loob ng napakaraming taon natin sa larangan ng lehislasyon. Marami pa ang mga dapat gawin sa mga susunod na panahon para masigurong walang Pinoy ang maiiwan sa laylayan.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments