ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 16, 2024
Isa sa mga paborito kong aral na natutunan kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay ang pagpapakumbaba at pagseserbisyo sa ating mga kababayan. Parati kong sinasabi -- lalo na sa mga kabataan -- unahin lagi ang interes at kapakanan ng mga kababayang nangangailangan at hinding-hindi sila magkakamali sa pipiliing landas.
Sa loob ng 24 taon ng pagtatrabaho ko noon kasama si Tatay Digong, ni minsan ay hindi siya nag-celebrate ng kanyang birthday. Kaya tulad ng kaarawan ko nitong Biyernes, mas ninais kong patuloy na tumulong sa kapwa at magpasalamat sa Diyos sa dagdag na pagkakataon na makapagserbisyo sa inyo.
Ilang araw bago ko ipagdiwang ang aking kaarawan ay bumisita ako sa Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City. Pagpapatuloy ito ng sinimulan namin ni Tatay Digong sa Davao City dahil malapit sa puso naming dalawa ang mga bata lalo na ang mga kaawa-awang may sakit na cancer.
Noong June 12, Araw ng Kalayaan, kinumusta natin ang Malasakit Center sa PCMC, isa sa 165 na Malasakit Centers sa buong bansa. Masaya kong ibabalita na puwedeng nang magpunta roon ang mga kababayan nating nangangailangan ng medical assistance.
Lalo pa tayong nasiyahan nang muli nating makasama ang mga batang pasyente sa isang munting salo-salo kasama ang pamunuan ng PCMC. Naantig ang damdamin ng lahat ng naroon sa mensahe ng mga batang tulad nina Sherwin Arocha, 10-anyos, na may Langerhans-cell histiocytosis; Don Raizen Parafina, 15, na nakikipaglaban sa aplastic anemia; si Vinz Matthew Fugaban, 10, na isang leukemia survivor; at si Markhen Nidal Gabuyan, 11, na lumaban sa acute lymphoblastic leukemia.
Naroon din siyempre ang aking best friend na si John Paul Cuilao. June 14, 2018 nang kami ay magkakilala sa PCMC dahil nag-donate tayo ng napanalunan ng ating basketball team noon. Four years old pa lang si John Paul noon at may leukemia, pero ngayon ay nasa mas mabuting kalagayan na. Nakabalik na rin siya sa pag-aaral at siya ang class president.
Sabi ni John Paul, hindi siya makapaniwala na nagkatotoo ang pangako natin na makapanood siya ng PBA games. Nagpasalamat din siya sa pagkakalipat sa ospital kung saan mas napadali ang paggagamot sa kanya. Patuloy tayong sumusuporta sa “Touch of Love” group, isang non-profit organization na itinatag noong 2018, bilang adbokasiya ni John Paul para palakasin ang loob at bigyan ng pag-asa ang iba pang bata na nakikipaglaban sa cancer.
Nagpasalamat tayo sa pamunuan ng PCMC sa walang humpay nilang pag-aalaga sa mga bata para masigurong humaba pa ang kanilang mga buhay. Ang birthday wish ko, sana ay maging cancer-free na rin ang lahat ng kababayan natin lalo na ang mga bata na patuloy na nakikipaglaban sa sakit.
Sa kabuuan, 81 na mga batang pasyenteng may cancer at iba pang sakit ang kasama natin sa araw na iyon. Nagkaloob tayo ng kaunting tulong at regalo tulad ng gift packs at loot bags habang ang mga parents at ilang staff ng ospital ay nabigyan naman ng gift boxes at mga bola ng basketball at volleyball.
Bilang Vice Chair ng Senate Finance Committee, kasama ang ating mga kapwa mambabatas na sina Senator Sonny Angara at Senator Pia Cayetano, naisulong nating magkaroon ng pondo para makabili ang PCMC ng bagong MRI at CT scan equipment at maitayo ang Pediatric Brain and Spine Center.
Mahirap sugpuin ang cancer, pero ito ang isang laban na kaya nating magwagi. Lagi nating ipinaglalaban ang karagdagang pondo para sa Cancer Assistance Fund ng DOH — na naging higit doble ngayong taon sa tulong na rin ng aking mga kapwa mambabatas. Ang karagdagang pondo ay ginagamit sa gastos para sa pagpapagamot ng mga mahihirap na cancer patients, kabilang ang kanilang diagnostics at laboratory tests.
Bumisita naman tayo sa mga kapwa Davaoeños noong June 13 at personal na pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 23 kooperatiba sa Davao Region sa ilalim ng Malasakit sa Kooperatiba program ng Cooperative Development Authority na isa sa ating mga inisyatiba para mapalakas ang mga kooperatiba sa buong bansa.
Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong Multipurpose Building Crisis Intervention Center sa Balay Dangupan sa Davao City. Isinulong natin na mapondohan ang naturang proyekto. Kinumusta natin at naghatid ng tulong sa 55 senior citizens na nasa pangangalaga ng Co Su Gian Home for the Aged sa lungsod. Nagbigay tayo ng gift packs sa ilang staff doon.
Naghatid naman ng tulong ang aking Malasakit Team sa mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis kasama na ang mga biktima ng sunog tulad ng 137 sa Bacoor City, Cavite; 155 sa Cagayan de Oro City; 25 sa Lucena City, Quezon; at 323 sa Parañaque City. Nagsimula na rin ang ating pamamahagi ng tulong sa mga kababayang nabiktima ng pagputok ng Bulkang Kanlaon mula sa mga bayan ng Pontevedra, La Castellana, Moises Padilla, at Bago City, at La Carlota City, sa lalawigan ng Negros Occidental.
Napagkalooban din ng tulong ang mga mahihirap na residente kabilang ang 1,500 sa Hinatuan, Surigao del Sur katuwang sina Gov. Ayec Pimentel at Senator Joel Villanueva; 201 sa Don Salvador Benedicto, Negros Occidental kasama si Mayor Mac dela Cruz; at 200 sa Sto. Domingo, Ilocos Sur kaagapay sina Annea de Leon at San Pablo Brgy. Captain Lalaine Seson.
Hindi natin kinaligtaan ang mga nawalan ng hanapbuhay at natulungan ang 73 sa Parañaque City katuwang si SK Chairman Julia Labarda; 98 sa Urdaneta, Pangasinan kasama si Brgy. Captain Danny Ildefonso; 156 sa Tandag, Surigao del Sur kaagapay si Mayor Roxanne Pimentel; 156 sa Claver, Surigao del Norte sa tulong ni Vice Governor Eddie Gokiangkee; at 6,741 sa iba’t ibang lugar sa Zamboanga del Sur sa pakikiisa ni Congresswoman Divine Yu.
Nagbigay rin tayo ng karagdagang tulong sa CHED scholars kabilang ang 300 sa Pagadian City, Zamboanga del Sur; at 45 TESDA trainees sa San Agustin, Surigao del Sur katuwang si Vice Gov. Manuel Alameda.
Minsan lang tayong dadaan sa mundong ito. Kung anong kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa kapwa tao, gawin na natin ngayon. Ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino, at bilang inyong Chair ng Senate Committee on Health, gagawin ko ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya na mailapit ang serbisyong medikal sa mga Pilipino. Patuloy akong magseserbisyo sa inyo dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments