ni Angela Fernando @News | Sep. 29, 2024
Binantayan ng Chinese navy ang pinagsamang multilateral exercises sa dagat at himpapawid ng 'Pinas kasama ang Australia, Japan, at New Zealand sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Linggo.
Inorganisa ng Southern Theater Command ng People’s Liberation Army ng China ang kanilang navy at hukbong himpapawid para sa mga regular na misyon ng reconnaissance, maagang babala, at mga exercises ng patrol sa himpapawid at karagatan malapit sa mga katubigan ng Bajo de Masinloc kamakailan.
Ito ay kasabay ng Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) kung saan nagsagawa rin ng mga pagsasanay ang mga unit ng hukbong-dagat at himpapawid ng 'Pinas at mga kasama nitong bansa.
Ayon kay Col. Francel Margareth Padilla, tagapagsalita ng AFP, binantayan ng militar ng bansa ang mga barko ng China na nasa paligid ng mga ginawang pagsasanay. Samantala, binigyang-linaw din ni Padilla na nagpatuloy ang mga plano nang walang nangyaring panghihimasok, at hindi nalagay sa panganib ang mga barko ng mga kasamang na bansa.
تعليقات