ni Lolet Abania | October 7, 2020
Napakaraming bangkay ang inanod mula sa sementeryo sa bahaging timog ng France dahil sa matinding pagbaha sa lugar matapos tumama ang malakas na bagyo na pinaniniwalaang bumura sa Mediterranean shore ng Italy, ayon sa mga opisyal.
Sa lalawigan ng Saint-Dalmas-de-Tende, rumaragasang tubig-baha ang nagpaanod sa lahat ng libingan at nagtangay sa mga nitso at mga labi ng mga patay.
Halos mabura ang buong sementeryo dahil nilamon na ito ng tubig na nagmula sa ilog.
Ang headstone na nakalagay sa itaas bilang palatandaan ng lugar ay tinangay din ng putik at natagpuan sa isang bahagi ng sementeryo. Marami ring kawad ng kuryente ang nawasak dahil sa pagtaas ng tubig na nanggaling sa Roya River.
"You cannot rebuild a cemetery," sabi ng isang residente na si Chantal Bocchin. "It's not worth rebuilding when there's no one left."
Sa naiulat ng mga opisyal, mahigit kalahating metro o 1.6 feet ang ulan na bumuhos sa Franco-Italian border sa hilagang bahagi ng Nice, France nang halos 24-oras noong Biyernes na nagpaakyat ng tubig sa ilog at nagpabaha sa buong rehiyon ng nasabing lugar.
Dagdag pa rito, sa Saint-Dalmas-de-Tende, ang lahat ng apat na tulay na konektado sa dalawang daan ng naturang bayan ay nawasak din ng rumagasang tubig. Tinangay din ang maraming bahay kasabay ng pagkawala ng kuryente sa lalawigan.
Gayundin, nasarhan ang mga daan at lahat ng rail lines, kung saan helicopters lamang ang magagamit upang makapunta sa lugar.
Ayon kay Mayor Jean-Pierre Vassallo, ang insidente ay tinawag niyang, “apocalyptic”. "It disemboweled the cemetery," sabi ni Vassallo. "Our families were taken away, nearly 150 people carried away by the water."
Sa ini-report ng Italian authorities, nagsasagawa na sila ng search-and-rescue sa lugar kung saan may natagpuang apat na patay na inanod sa dalampasigan sa bayan ng Ventimiglia at Santo Stefano al Mare, malapit sa border ng France at isa pa na malapit naman sa ilog ng naturang lugar.
Ayon pa sa French officials, nasa advanced state of decay na ang mga bangkay. "These aren't recent deaths ... but old cadavers which likely correspond to bodies from the (French) cemeteries that were engulfed by floodwater," sabi ng French media na si Bernard Gonzalez, na nakatalaga sa prefect ng Alpes-Maritimes Department.
Comments