ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 2, 2021
Kailangang sumailalim sa COVID-19 testing ang mga residente ng Manila na babalik sa kani-kanyang tahanan matapos ang holiday break, ayon sa Manila Health Department.
Sa inilabas na memorandum noong December 29 para sa mga opisyales ng barangay, ayon sa Manila Barangay Bureau, kailangang dumiretso sa mga testing facilities sa kanilang distrito ang mga residente ng Manila bago makauwi sa kani-kanyang bahay at epektibo ang naturang polisiya simula ngayong araw, January 2, upang maiwasan ang lalong pagdami ng kaso ng COVID-19.
Ang lahat ng mga sasailalim sa COVID-19 testing ay kailangang manatili sa quarantine facility ng isa o dalawang araw para sa kanilang resulta.
Maaari namang makapagpa-test ang mga residente ng Manila sa mga sumusunod na quarantine facilities:
District 1 – T. Paez Quarantine Facility (09618977816.09286731715)
District 2 – Patricia Sports Complex Quarantine Facility (09179609112)
District 3 – Arellano Quarantine Facility (09184044627)
District 4 – Dapitan Sports Complex Quarantine Facility (09516729122)
District 5 – San Andres Sports Complex Quarantine Facility (09178031925)
District 6 – Bacood Quarantine Facility (09461430364/09086877105)
Ang mga positibo sa COVID ay dadalhin sa quarantine facilities para sa mga pasyente at ang mga negatibo ay bibigyan ng medical certificate kasama ang kanilang test result na ipapakita sa kanilang barangay.
Paglilinaw naman ni Dr. Arnold Pangan, acting City Health Officer, “If returnee will come from within Metro Manila: Returnees may volunteer to get tested, Manila Health Department will accommodate them.
“If returnee will come from outside Metro Manila: Returnees are required to undergo swab testing.”
Ayon naman kay Manila City Public Information Office Chief Julius Leonen, ang testing cost ay sasagutin ng local government.
Aniya, “Case-to-case basis naman po, if isang araw lang or overnight, and resident naman po talaga siya ng Manila City, then no need na [magpa-swab], unless magpa-voluntary swab test siya. Dr. Pangan said they will accommodate them.”
Samantala, ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, nakipag-ugnayan na ang kanilang city government sa Pfizer Inc. ng United States at Moderna Inc. para sa COVID-19 vaccines.
Gumawa rin ang Manila government ng website para makapag-pre-register ang mga residente para sa COVID-19 vaccination.
Kommentare