top of page
Search
BULGAR

Mga bagong sasakyan, nanganganib na ‘di mabigyan ng plaka

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 11, 2024





Nahaharap sa malaking suliranin ang marami nating kababayan na nakabili ng bagong sasakyan ang hindi umano bibigyan ng plaka ng Land Transportation Office (LTO).


Marahil, hindi pa ito alam ng mga mismong nakabili ng bagong sasakyan ngunit ito ang malungkot na ibinunyag ng pamunuan ng LTO dahil mayroon umanong 100 car dealers na hindi accredited ng ahensya na nakapagbenta ng bagong sasakyan kaya hindi makakakuha ng plate number ang mga ito.


Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na nadiskubre nila nitong nakaraang Martes na may mga car dealer pala na hindi accredited ng LTO mula sa Calabarzon area.


Dahil dito, ang mga nakabili umano ng bagong sasakyan sa mga hindi accredited na car dealers ay hindi makakakuha ng plaka sa tanggapan ng kagawaran.


Ayon pa sa LTO, tukoy na umano nila ang 100 car dealers na ito na kamakailan lamang nila nadiskubre sa Calabarzon ang mga hindi accredited na car dealers – na sana ay maliwanagan umano ang mga nakabili ng bagong kotse kung bakit hindi lumalabas ang kanilang plaka.


Maglulunsad umano ang LTO ng crackdown sa lahat ng car dealers sa mga rehiyon at sa district offices para maipasara ang mga ito na walang accreditation.


Ngunit makakaasa naman umano ang mga nakabili ng sasakyan sa mga accredited car dealer na ilang araw lamang ay maibibigay na ng LTO ang kanilang mga plate number.


Ibinunyag na rin lang ng LTO  ang problemang ito, dapat ay inilabas na rin nila ang mga pangalan ng mga hindi accredited na car dealers upang hindi na bumili rito ang ating mga kababayan dahil mahaharap pala sa malaking problema.


O kaya ay bigyan naman sana ng pabor ang mga kababayan nating nakabili ng bagong sasakyan sa mga hindi accredited na car dealers dahil hindi naman nila alam na hindi pala sila iisyuhan ng plaka.


Kawawa naman ang mga kababayan nating nakabili ng sasakyan sa mga hindi accredited na car dealers dahil nabiktima na sila tapos magiging biktima pa uli ng sistema ng LTO.


Ayos lang sana kung noon pa man ay nag-anunsiyo na ang LTO hinggil sa operasyon ng mga hindi accredited na car dealers — pero kung sa consumers natin ibabagsak ang parusa ay parang hindi naman yata makatarungan ito.


Maglabas kayo ng babala at ilantad ninyo ang mga pangalan ng hindi accredited na car dealers at kapag may matigas ang ulo na may bumili pa rin ay tsaka na lang natin patawan ng parusa na hindi bigyan ng plate number.


Pero kung bigla nating hindi bibigyan ng plaka ang mga walang kamuwang-muwang na bumili ng bagong kotse sa mga hindi accredited na car dealers na wala man lamang abiso ay maliwanag na pang-aabuso ‘yan.


Sa totoo lang, ang LTO nga ang dapat na sisihin dahil umabot pa ng 100 car dealers ang hindi accredited tapos lantaran ang operasyon na hindi naman pala dapat.

Kung hindi sana nagpabaya rito ang LTO ay hindi na dumami ang mga kababayan nating nagsibili ng sasakyan sa mga hao shiao na car dealers.


Kasi kung magmamatigas talaga ang kagawaran na hindi magre-release ng plaka ay wala naman magagawa ang mga nakabili ng sasakyan kundi ang magdusa sa pagkakamaling hindi sila ang nakagawa.


Kaya sana maantig natin ang LTO sa plano nilang huwag mag-release ng plaka sa ilan sa ating mga kababayan na nakabili ng sasakyan sa mga hindi accredited na car dealer – baka makuha naman sa pakiusap na huwag na itong ituloy.


Naniniwala ako sa kabutihan ng puso ng pamunuan ng LTO basta’t maiparating lang natin sa kanilang tanggapan ang hindi magandang idudulot ng kanilang desisyon sa panig ng ating mga kababayan na ang pagkakamali ay wala naman sa kanilang mga kamay. 


Ipagdasal lang natin!

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page