ni Fely Ng - @Bulgarific | May 3, 2022
Hello, Bulgarians! Inilunsad ang mga bagong aklat ng KWF Publikasyon noong Abril 29, 2022 sa Bulwagang Romualdez, Komisyon sa Wikang Filipino, 1610 Kalye J.P. Laurel, Malacañang Palace Complex, Lungsod Maynila.
Kabilang sa mga bagong aklat na ilulunsad ang Discursos y articulos varios, Stereologues, May Hadlang ang Umaga, Teatro Politikal Dos, Mas Masaya sa Entablado: Ang Siste sa Piling Dula ni Piux Kabahar, Sinsil Boys: 13 Maikling Kuwento, KALATAS: Mga Kuwentong Bayan at Kuwentong Buhay, Cubao Ilalim: Ikalawang Aklat, Jonas, at Tula Walang Wakas ang Aking Pag-ibig.
Ilan sa mahahalagang akda na kailangang mailimbag ng KWF ay ang mga jornal, saliksik, sangguniang aklat, babasahin, klasikong akdang pampanitikan, tesawro, at diksiyonaryo.
Naniniwala ang KWF na ang mga ito ay mahahalagang sulatin, naratibo, tala, pagsusuri, at salaysay, walang itinatangi na mga akda sa paglilimbag maging ito ay akda ng iisang awtor o grupo ng mga awtor, iisang editor o grupo ng mga editor, antolohista, tagasalin, compiler, atbp., sa pasubaling ang mga akdang ito ay makatutugon sa pangangailangan ng mga iskolar, mananaliksik, mag-aaral, at guro.
Tinutugunan din nito ang pagiging ingklusibo ng publikasyon batay sa misyon ng ahensiya sa pamamagitan ng pagbubukas ng higit na espasyo para sa mga akda mula rehiyon at ang mga akdang hindi makapasok sa mainstream na palimbagan bagaman may kultural na kahalagahan.
Sa ganitong layunin ay mangunguna ang KWF salig sa misyon nito at isinasaad ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas — ang pagsasagawa ng mga patakaran at hakbangin tungo sa itinatadhanang kaganapan ng Filipino bilang wikang opisyal ng pamahalaan at wika ng pambansang edukasyon.
Ang Komisyon sa Wikang Filipino ay nasa pangangasiwa ng pamunuan ni Tagapangulong Arthur P. Casanova kasama ang mga Fultaym na Komisyoner Dr. Benjamin M. Mendillo Jr. at Dr. Carmelita C. Abdurahman.
Ang KWF Publikasyon ay pinangangasiwaan ni G. Rolando T. Glory na bahagi ng Sangay ng Edukasyon at Networking sa pamumuno ni G. Jomar I. Cañega. Sa mga nagnanais na bumili ng mga aklat ng KWF ay maaaring makipag-ugnay kay Bb. Che Rosita sa telepono 899-606-70.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
תגובות