@Editorial | October 04, 2021
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nakatakda nang bakunahan ng COVID-19 vaccine ang mga menor-de-edad na edad 12 hanggang 17.
Gayunman, nilinaw ng ahensiya na ang mga batang may comorbidities ang uunahin.
Napag-alamang nasa 10% ng kabuuang minors nationwide ang prayoridad sa susunod na dalawa o tatlong buwan habang mino-monitor ang adverse effects ng bakuna sa mga bata.
Matapos bakunahan ang mga batang may comorbidities at yung nasa mga ospital sa Metro Manila, isusunod na ang iba pang mga bata sa buong bansa.
Nagpahayag na rin ang ilang ospital na sila ay tutulong sa pagbabakuna sa mga bata.
Bago ilarga ang pagbabakuna, umaasa tayo na naipaliwanag na nang maayos ang gagawing pagbabakuna. Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang takot at kalituhan.
Mula sa mga kinauukulan na maghahatid ng impormasyon sa mga magulang, tayo naman ang magpapaunawa sa ating mga anak ng kahalagahan ng bakuna.
Anumang alalahanin o duda ay dapat bigyang-pansin agad ng mga awtoridad bago pa unahan ng mga walang magawa sa buhay kundi ang magpakalat ng fake news.
Panahon na para maibalik ang 'buhay' na ninakaw ng pandemya. Sapat na ang mga panahon na tayo'y binalot ng takot. Sikapin nating makapamuhay nang maayos ang ating mga kabataan. Gawan natin ng paraan na maranasan nila ang biyaya ng buhay.
Comments