ni Ryan Sison - @Boses | July 12, 2021
Matapos payagang makalabas ang mga batang edad 5 pataas, todo-paalala ang Department of Health (DOH) sa mga magulang at publiko na ‘wag pa ring makampante.
Ayon kay treatment czar Undersecretary Leopoldo Valga, dapat pa ring sundin ng mga bata ang mga umiiral na standard health protocols habang nasa labas ng tahanan.
Gayunman, nilinaw nito na nasa kamay ng mga local government units (LGUs) ang pagpapatupad ng bagong polisiya. Paliwanag pa ng opisyal, may mga lugar na mas mataas ang quarantine restriction dahil sa mataas na bilang ng COVID-19 cases na delikado rin sa mga bata.
Matatandaang ikinatuwa ng ilang magulang ang polisiyang ito dahil sa wakas, puwede na nilang ipasyal ang kanilang anak na matagal nanatili sa kani-kanilang tahanan.
‘Yun nga lang, limitado pa rin sa mga parke, playground at beach ang puwedeng puntahan ng mga ito, habang hindi pa rin sila papayagang makapasok sa malls at iba pang establisimyento.
Gayunman, paalala natin sa lahat, ang pagluluwag na ito ay hindi pa rin dahilan upang makampante. At panawagan sa mga magulang, tiyaking mamo-monitor ninyo ang mga bata habang nasa labas ng tahanan.
Tulad ng nabanggit, kinakailangan pa ring sumunod ng mga batang nasa edad 5 pataas sa mga umiiral na protocols, kaya pakiusap sa kina nanay at tatay, kayo ang unang sumunod sa mga panuntunan upang tularan ng mga bata.
Habang tinitiyak ng pamahalaan na hindi naaapektuhan ng mga pagluluwag sa protocols ang sitwasyon ng bansa, tandaan na tayong mamamayan ay mayroon ding obligasyon at ito ay ang sumunod sa mga umiiral na patakaran.
Bilang magulang, tandaan na kayo rin ang responsable sa kaligtasan ng inyong mga anak.
‘Ika nga, bawal ang parelaks-relaks dahil nar’yan pa rin ag virus at naghihintay lang ng mabibiktima.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
留言