ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 07, 2021
“Kami naman!” Tila ito ang mensahe ng mga kabataang chess warriors ng bansa sa pangunguna nina untitled Neil Chester Reyes at International Master Michael Concio Jr. nang makapasok sa winners’ circle ang apat na mga binatilyo sa salpukan ng Southeast Asian Games Selection Semifinals Blitz Tournament.
Sumulong si Reyes, 16, at may rating na 2131, sa 7 panalo at isang tabla upang kontrahin ang nag-iisang pagkatalo at makaipon ng kabuuang 7.5 puntos pagkatapos ng online na sagupaang tumagal ng siyam na yugto. Pinakamalaking pangalang nabiktima niya paakyat sa trono ay si IM Ricky De Guzman.
Humataw papunta sa pangalawang puwesto si Concio, 16-anyos na runner-up sa Asian Zonals 3.3 at sa SEAG Rapid Chess Selection tourney kamakailan, tangan ang 7 puntos at mas mataas na tiebreak performance mula sa anim na panalo, dalawang tabla at isang talo. Nasipa ng kinatawan ng bansa sa FIDE World Cup papunta sa pangatlong si De Guzman na nakaipon din ng 7 puntos.
Si IM Daniel Quizon, 17-anyos na hari sa Asian Zonals 3.3 at nagdadala rin ng tatlong kulay ng bansa sa World Cup, ang nanguna sa apat na kataong pulutong na may 6.5 puntos. Mas maangas na tiebreak din ang naging puhunan ni Quizon, tumersera sa SEAG Rapid Semis para makuha ang pang-apat na baytang. Kay Roel Abelgas napunta ang pang-5 posisyon habang isa pang binatilyo, si Mark Jay Bacojo, ang bumuntot kay Abelgas.
Nagkita-kita sa unahan ng pulutong sa kababaihan sina Mary Joy Tan (rating:1958), Kylen Joy Mordido (rating: 2147), Francois Magpily (rating: 2101) at Christy Lamiel Bernales (rating: 2116) pagkatapos ng siyam na rounds dahil sa markang tig-7 puntos. Pero nang pairalin ang tuntunin para sa mga nagtabla, swak si Tan sa unang puwesto, naangkin ni Mordido ang runner-up honors at si Magpily ang pumangatlo.
Kommentare