top of page
Search
BULGAR

Mga babae, may malaking ambag sa pagkalinga sa kalikasan

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Oct. 16, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Kung ihahambing sa mga kalalakihan, ang mga kababaihan ay madalas dehado sa napakaraming bagay. Nariyan ang pangangailangang mas maging maselan sa paraan ng pananalita at pag-uugali, na madaling bansagan ng kung anu-anong katawagang hindi kailanman ibabato sa mga kalalakihan. At sa kabila ng modernong siyensiya at teknolohiya, ang mga babae pa rin ang nagdadalang-tao — napakatamis mang maranasan ay napakatindi naman ng hinihingi sa katawan.


Hindi patas para sa kababaihan ang kalagayan at labanan sa malalim pang mga bagay. Patuloy na mas kinikilingan ang mga kalalakihan pagdating sa sari-saring aspeto ng hanapbuhay, lipunan, batas at kultura. Kahit karamihan sa mga esposo sa kasalukuyan ang tumutulong sa pag-asikaso ng mga gawaing bahay, may mga pamilya pa ring ipinauubaya ang mga kailangang atupagin sa pagod at pigang-piga nang maybahay. At kahit may kakayanan mang idepensa ang sarili, mas delikado pa rin ang kababaihan kung mahahantong sa peligrong dulot ng masasamang loob — sa lansangan man, sa pinagtatrabahuan, o sa loob ng tahanan.


Ganyan ang sitwasyon para sa napakaraming mga babae ng iba’t ibang edad sa buong bansa, maging sa ibang lupalop ng mundo. Ngunit mas may panganib o kakulangan sa katarungan at pagkakapantay para sa mga kababaihang nasa kanayunan, lalo na sa mga nasa liblib na lugar o kasuluk-sulukan ng 82 probinsya ng Pilipinas. Sila ay ating naiisip lalo pa’t ang nakaraang Martes, at ang bawat ika-15 ng Oktubre, ay International Day of Rural Women. 


Nilalayon sa araw na ito ang pagtanaw at pagbibigay-atensyon sa kalagayan ng naturang mga kababaihan saan man sa daigdig. Matimbang ang usaping ito para sa atin na napakarami sa bilang ng populasyon ay nakatira sa mga lalawigan at karamihan sa kanila ay kababaihan. Habang marami sa kanila ay simpleng maybahay at ina sa kani-kanilang tahanan, marami rin sa malalayong lugar ay katuwang ng kani-kanilang mga asawa, barangay o kapisanan sa pagkayod para sa kabuhayan. Sila na mga hindi kilala ngunit kahanga-hangang kababaihang mga magsasaka o magbubukid, tindera o nagpapatakbo ng maliit na negosyo — bukod pa sa pagiging ilaw ng kani-kanilang tahanan.  


Sa kabila ng hindi matatawarang mga kakayanan ng kababaihan sa mga lalawigan, kakaunti lamang sa kanila ang may pagkakataong magmay-ari ng lupain o maging tagapanguna ng kanilang kinasasakupan. Karamihan sa kanila ay mas nakararanas ng mga balakid sa pag-unlad ng sarili at pamilya, at sa pagkamit ng serbisyong pinansyal. Madalas na mas maliit ang kanilang sahod kumpara sa mga kalalakihan. Idagdag pa ang mga kakulangan nila sa mga serbisyong pangkalusugan at patubig, edukasyon at proteksyon laban sa mga mapang-api na naglipana sa kalibliban ng ating mga isla. Malabong-malabo pa para sa napakaraming babae sa kabukiran ang posibilidad ng disente o masaganang pamumuhay. 


Idagdag pa sa mga suliranin nila ang lumalaking pagbabago ng klima, na nagdudulot ng pinsala sa kanilang mga pananim at ari-arian. Napakalaki ng ambag ng kababaihan sa kanayunan pagdating sa pagkalinga sa kalikasan, sa gitna ng pagsisikap nilang marating ang puntong makapantay nila ang kalalakihan sa aspeto ng mga pribilehiyo at kapangyarihan. 


Hindi makakamit ang lahat ng ito sa iisa o iilang tulugan. Ngunit mahalagang maisaisip at asintaduhing matugunan, paunti-unti man ngunit tuluy-tuloy, ang seguridad ng kababaihan ukol sa pagkain, kalusugan, kabuhayan at kaligtasan, lalo na para sa mga nasa pook na malayo sa kabihasnan.Kaya’t dapat idagdag sa ating mga konsiderasyon sa darating na halalan: Ang atin bang mga iboboto, maging sa pambansa at lokal na mga antas, ay dalisay na pagmamalasakitan ang mga kababaihan saan mang panig ng Pilipinas? Ating laging tandaan, wala tayo sa mundong ito kung wala ang inang sa atin ay nagluwal. Lingunin natin ang ating pinanggalingan at protektahan ang kapakanan ng pinakabulnerable nating mga kababaihan. 


Ikaw, kaibigan, pinagmamalasakitan mo ba sila sa mga pagkakataong sila’y binubusabos at inaalispusta ng mga kalalakihang nangmamaliit sa kanila dahil lamang sa sila ay kalahi ni Eba?

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page