ni Jasmin Joy Evangelista | November 24, 2021
Mayroong payo ang ilang awtoridad para hindi mabiktima ng text message mula sa job hiring o pautang na natatanggap ng mga mobile phone user kamakailan.
“Kapag nag-reply ka, intended target ka na. Pagka naka-receive ka ng ganyan, talagang dapat i-ignore lang," ani National Bureau of Investigation (NBI) anti-cybercrime chief Victor Lorenzo
"Pagka naka-receive ka na qualified ka sa trabaho na inaaplayan mo, hindi ka naman nag-aaplay ng trabaho, scam na ho 'yun. Or kapag may nag-text sa 'yo may napanalunan ka, hindi ka naman sumasali sa contest or any raffle, kaduda-duda po 'yun," dagdag niya.
Aniya pa, duda siya na nakuha ng scammers sa contact tracing forms ang numero ng mga nakatatanggap ng mga mensahe dahil walang pangalan ng receiver ang mga spam message.
Ayon kay Lorenzo, hirap ang mga scammer na kumuha ng personal na impormasyon sa taong nangalap ng datos.
Bukod dito, may data privacy act din para protektahan ang datos ng lahat.
May payo rin si PNP Anti-Cybercrime Group Director Police Brig. Gen. Robert Rodriguez at aniya, dapat maging maingat ang publiko at huwag agad magtitiwala sa natatanggap na spam messages.
"You should always be very careful sa online, sa mga text message, huwag agad magtiwala at huwag kaagad magbigay ng personal information lalo na 'yung bank accounts, mga OTP (one-time pin) numbers na binibigay ng banks sa atin, mga credit card po, kailangan huwag mag-online, kasi napakadelikado po," ani Rodriguez.
Ayon naman kay NPC Commissioner Raymund Liboro, posibleng sa organisadong global syndicate ito nangyari.
"Kung kayo ay nakatatanggap nito i-block niyo na. Huwag niyo nang tatangkilikin," ani Liboro.
Tiniyak naman ng Malacañang na ito ay iimbestigahan at inataasan ang NTC na gawin ang kanilang trabaho.
Comments