top of page
Search
BULGAR

Mga atletang Pinoy na sasabak sa 2024 Paris Olympics, suportahan

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 30, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Napakalapit sa aking puso ng mga atletang Pilipino. Bilang isa ring atleta at sports enthusiast, naniniwala akong sa pamamagitan ng sports ay mailalayo natin sa ilegal na droga ang mga kabataan. At siyempre, healthy and fit tayo dahil dito.


Kaya bilang chair ng Senate Committee on Sports ay walang tigil ang ating suporta sa mga manlalarong Pilipino. Masaya akong ibalita sa inyo na naibigay na ng Philippine Sports Commission ang isinulong nating tulong pinansyal na P200,000 kada player at coaching staff ng Alas Pilipinas Women’s Volleyball Team sa isang seremonya na ginanap sa Maynila noong June 26.


Nasungkit ng Alas Pilipinas ang bronze medal sa Asian Volleyball Challenge Cup noong May 29. Personal kong napanood ang laban. Sabi ko sa volleyball team, alam kong hindi sila ang pinakamalalaki at pinakamatatangkad na players sa court, pero ang kanilang puso — ang pusong Pilipino — ay talagang lumalaban. Malaking karangalan ang kanilang regalo kaya dapat madagdagan ang suporta at incentives nila mula sa gobyerno. Magagamit din nila ito sa kanilang susunod na laban sa FIVB Challenger Cup dito sa bansa next week.


Noong nakaraang linggo, sa atin pa ring inisyatiba ay nakatanggap ang bawat atleta ng Php500,000 na sasabak sa 2024 Paris Olympics. Pinasalamatan natin ang pamunuan ng PSC sa kanilang patuloy na suporta sa ating adbokasiya. Maliit na halaga lamang ito kapalit ng karangalan na dala nila habambuhay sa bansa. Dahil at stake ang ating bandila at bayan, lagi kong paalala sa mga atleta na ibigay ang lahat ng makakaya.


Katuwang ng suporta natin sa elite athletes ay ang pagsusulong din sa sektor kung saan sila nanggaling — ang grassroots sports. Mahalagang sa simula pa lamang ay ganado na ang isang atleta na ibuhos ang lahat dahil alam niyang nasa likod niya ang gobyerno at buong sambayanan.


Isa sa ating inisyatiba ay ang R.A. No. 11470, na isa tayo sa may-akda at co-sponsor. Sa pamamagitan ng naturang batas ay naitayo ang National Academy of Sports sa New Clark City, Tarlac, na nagkakaloob ng specialized education and training para sa mga aspiring student-athletes.


Isinulong din natin ang Senate Bill No. 2514, o ang Philippine National Games Act na tayo ang principal sponsor at isa sa may-akda. Pasado na ito sa ikatlong pagbasa. Kung maisabatas, layunin nito na ma-institutionalize ang pagdaraos ng national sports competition na paglalaanan ng karampatang pondo para makalahok ang mga kabataang atletang nasa kanayunan at matukoy mula sa kanila ang may potensyal na magiging bahagi ng national team. Parang mini-Olympics ito ng bansa.


Dahil marami pa rin sa mga kababayan ang nangangailangan ng tulong, hindi tayo tumitigil sa paghahatid ng serbisyo at malasakit nasaan man sila sa bansa.


Bumisita tayo sa Nueva Ecija noong June 26 at personal na pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 1,000 mahihirap sa Lupao katuwang si Cong. GP Padiernos. Sa Santa Rosa, 2,000 mahihirap ang naayudahan katuwang si Gov. Aurelio Umali, na may natanggap ding tulong mula sa lokal na pamahalaan. Ininspeksyon natin ang itinayong Multipurpose Facility na magagamit ding evacuation center doon. Tayo ang nagsulong para mapondohan ito bilang vice chair ng Senate Committee on Finance.


Ang mga taga-Puerto Princesa City, Palawan ang ating personal na hinatiran ng tulong noong June 27.


Nagkaloob tayo ng tulong sa 1,000 residenteng nawalan ng hanapbuhay, na nabigyan naman ng DOLE ng pansamantalang trabaho. Nabigyan din ng karagdagang tulong ang 2,000 mahihirap sa lugar na nakatanggap ng suportang pinansyal mula sa lokal na pamahalaan. Sa hiwalay na okasyon ay panibagong batch na binubuo ng 1,300 mahihirap ang naayudahan katuwang sina Mayor Lucilo Bayron, Councilors Raine Bayron at Elgin Damasco, na sa ating pagtutulungan ay nabigyan ng gobyerno ng ayuda.


Naging panauhin tayo sa Philippine Elementary School Principals Association 41st Principals Training and Development Program and National Board Conference na idinaos sa Puerto Princesa Coliseum. Binigyan natin ng halaga ang papel ng mga educators sa paghubog sa mga kabataan na pag-asa ng bayan.


Nasa Sarangani province tayo noong June 28, at sinaksihan ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Alabel. Pagkatapos, personal nating pinangunahan ang pagkakaloob ng suporta sa 500 residenteng nawalan ng hanapbuhay, na mabibigyan ng pansamantalang trabaho.


Isinulong nating tulungan ang 667 mahihirap katuwang sina Gov. Rogelio Pacquiao at Sen. Joel Villanueva. Karagdagang tulong mula sa ating opisina ang naipagkaloob sa binisita nating 1,000 nawalan ng hanapbuhay sa General Santos City kasama si Mayor Lorelie Pacquiao. Naging panauhin tayo sa Philippine Councilors League-Sarangani Federation General Assembly sa paanyaya ni PCL President BM Evelyn Alegario, kasama rin si General Santos City PCL President Lourdes Casabuena.


Tuluy-tuloy ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis. Binalikan natin ang 56 residente ng Navotas City at muling nagkaloob ng suporta sa mga ito, bukod pa ang tulong pinansyal na kanilang natanggap mula sa NHA na ating isinulong para may pambili sila ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagpapaayos ng kanilang tirahan.


Natulungan natin ang 1,000 mahihirap na residente sa Mandaue City, Cebu katuwang ang tanggapan ni Sen. Villanueva. Sa Northern Samar, nasuportahan natin ang 1,000 sa Catubig sa pakikipagtulungan ni Mayor Solomon Vicencio; at 1,000 rin sa Lapinig kasama si Mayor Luisa Menzon. Sa Mataas na Kahoy, Batangas ay natulungan natin ang 508 nawalan ng hanapbuhay kasama si Mayor Janet Ilagan at ang DOLE.


Sa mga ikot namin sa iba’t ibang sulok ng bansa, at bukod sa mga programa na naihatid sa mga mahihirap, nagpamigay din ako at ang aking tanggapan ng tulong tulad ng food packs, bitamina, pagkain, shirts at ilang bisikleta, sapatos, relos at iba pang uri ng suporta sa mga nangangailangan.


Mga kababayan, isang beses lang tayong daraan sa mundong ito. Kaya anumang tulong na puwedeng ibigay sa kapwa at karangalan ang maaari nating dalhin sa bansa, gawin na natin ngayon. Patuloy akong susuporta sa ating mga atleta at magseserbisyo sa inyong lahat sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page