ni Ryan Sison @Boses | Nov. 19, 2024
Para sa mga naghahangad na ma-exempt sa poll gun ban na ipatutupad next year, nagsimula na ang naturang aplikasyon nitong Lunes.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), pinapaalalahanan lamang ang lahat na kumpletuhin ang kanilang mga kinakailangang dokumento bago isumite ang kanilang mga aplikasyon sa kagawaran.
Tiniyak naman ni Comelec Chairman George Garcia sa mga aplikante na maaari nilang makuha sa loob lamang ng isang linggo ang kanilang certificate of authority kung maipapasa nila ang lahat ng requirements.
Subalit sa ilang mga kaso aniya, ang pag-apruba ng aplikasyon para sa exemption ng gun ban ay naaantala dahil ang mga dokumento ay hindi kumpleto. Pero kung ito ay kumpleto na, maaari nilang ipangako na ang mga aplikasyon ng mga ito ay maaaprubahan ng isang linggo.
Nitong Lunes, November 18 ay sinimulan na ang aplikasyon ng gun ban exemption para sa 2025 midterm elections. Sinabi ni Garcia na ang mga mag-aaplay para sa exemption ay maaari ring gumamit ng online payment system.
Matatandaang naglabas ng abiso ang Comelec na simula January 12 hanggang May 28, 2025 ay magpapatupad sila ng gun ban para sa nalalapit na eleksyon.
Mainam talaga ang pagpapairal ng gun ban sa halalan sa susunod na taon para na rin sa kaligtasan at seguridad ng mga kababayan sa panahon ng eleksyon.
Kadalasan kasi ay nagdudulot ng takot sa marami ang sinumang may bitbit ng baril o anumang armas at kung minsan ay humahantong pa sa gulo.
Subalit, kailangan din ito bilang proteksyon lamang, lalo na sa mga kandidato, dahil batid naman natin na nagkalat na rin ang mga armadong grupo na naghahasik ng karahasan sa ating mga komunidad habang umuusbong ang mga kaguluhan kapag nalalapit na ang eleksyon.
Paalala sa mga kababayan na mabibigyan ng exemption sa gun ban na gamitin lang sana ang mga armas na hawak bilang depensa at proteksyon laban sa masasamang gawain at hindi para makapanakit o makapatay ng kapwa.
Higit sa lahat dapat na maging responsable tayo sa pag-aari nating mga baril.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Kommentare