top of page
Search
BULGAR

Mga aplikante ng trabaho, ‘wag piliting magpabakuna!

ni Ryan Sison - @Boses | May 18, 2021



Sa dami ng Pinoy na nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang dala ng COVID-19, marami pa rin ang umaasang makakayod.


Kaya naman sa kabila ng panganib at takot na mahawa ng virus, todo-sikap pa rin ang marami nating kababayan na makahanap ng trabaho.


Kaugnay nito, inihayag ng Department of Health (DOH) na hindi dapat gawing requirement sa mga nag-a-apply ng trabaho ang bakuna kontra COVID-19.


Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kahit mahalaga ang bakuna, dapat lamang na maging boluntaryo ito para sa isang indibidwal.


Ang paalalang ito ay kasunod ng ulat na kabilang sa company policy ng US-based Delta Air Lines ang COVID-19 vaccination para sa mga bagong empleyado.


Bagama’t nauunawaan nating malaki ang magagawa ng bakuna kontra COVID-19, dapat din nating ikonsidera ang sitwasyon ng bawat aplikante. Paano kung ang aplikante ay walang access sa bakuna? O, ‘yung iba naman ay hindi pa kumpiyansang magpabakuna?


Ilan lang ito sa mga dapat nating ikonsidera kaya hindi pa talaga uubra ang ganitong requirement.


Matatandaang sinabi ng DOH na wala pang sapat na ebidensiya na ang mga bakunado na ng 2 doses ay hindi na mahahawaan ng nasabing virus. Sa ngayon, tinitiyak lamang ng bakuna na maiiwasan ang malalang kaso ng COVID-19, na nauuwi sa hospitalisasyon at pagkamatay.


Kamakailan din ay tinutulan ng DOH ang hiling ng ilang negosyante na magpatupad ng “vaccine pass” sa mga nakatanggap na ng 2 doses ng COVID-19 vaccine, kung saan magsisilbing special permit ang vaccine pass para payagan ang mga nakakumpleto na ng bakuna na makapanatili ng matagal sa mga establisyemento.


Samantala, panawagan natin sa mga negosyante, makinig tayo sa payo ng kagawaran.


Bagama’t nauunawaan nating nag-iingat lamang ang karamihan sa atin, iwasan nating pahirapan ang ating mga kababayan na ang nais lamang ay magkaroon ng hanapbuhay sa gitna ng pandemya.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page