ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-1 Araw ng Abril, 2024
Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.
Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Rat o Daga.
Ang Rat o Daga ay silang mga isinilang noong 1924, 1936, 1948, 1960, 1972, 1984, 1996, 2008, 2020, at 2032.
Sa propesyon, sinasabing ang Daga ay higit na umuunlad, nagtatagumpay at lumiligaya kung ang kanyang magiging trabaho ay isang manunulat, teacher, historians, at troubleshooters.
Nangyari ganu’n, dahil para sa isang Daga, kapag may problema ang isang kumpanya o personal niyang mga kaibigan, madali siyang nakakatulong o nakakatugon dahil mahusay siyang umisip ng unique o kakaiba pero epektibong paraan upang malutas ang anumang uri ng suliranin.
Dagdag dito, sa panahon ng krisis o kaya ay may mabibigat na problema, maaasahan din ang Daga dahil sa panahong mas mahirap solusyonan ang mga suliranin, lutang na lutang naman ang husay at galing ng isang Daga sa pagdedesisyon at diskarte.
Sa pag-ibig, tahimik lang ang isang Daga. Kaya kadalasan, ang mga Daga ay matagal o medyo nale-late ang edad bago makapag-asawa at kung minsan hindi rin nila gaanong nalalasahan ang masarap at nakakabaliw na karanasan. Iniiwasan din kasi ng Daga na siya ay mahulog sa nakakabaliw na tunay at hangal na pag-ibig. Ngunit, ang nakakagulat kapag nabuhay mo na ang damdamin ng isang Daga o nahuli mo na ang kanyang kiliti, tunay namang todo-bigay siya. Kung saan, kunwari pang nahihiya, pero sarap na sarap naman pagdating sa matatamis na lasa ng pag-ibig at masarap na pakiramdam ng romansa.
Dagdag pa rito, sinasabi ring sa 12 animal signs na pinatawag ni Lord Buddha, isa ang Daga sa masarap makapareha sa love making at anumang karanasang may kaugnayan sa sex at lambingan.
Kung ang Daga ay kapamilya o matalik mong kaibigan, tunay ngang lumalabas ang kanyang pagiging natural, kaya masaya rin siyang kasama. Pero sa pag-ibig o pakikipagrelasyon, minsan hindi talaga natin maiaalis, pilit talagang itinatago ng isang Daga ang kanyang tunay na feelings. Kaya naman, kung hindi mo kabisado ang asawa, girlfriend o boyfriend mong Daga, mapagkakamalan mo siyang kulang sa lambing, malamig at minsan ay may sumpong. Ang totoo pa nga nito, minsan ang Daga ay sadyang mahirap ding unawain. At dahil nga dito, mahilig siyang magtago ng kanyang emosyon o ng kanyang tunay na nadarama, lalo na sa kanyang asawa o kapareha, hindi tuloy nagiging tunay na masaya ang Daga sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon.
Kaya kung ikaw ay may asawang Daga, dapat nagtataglay ka ng malawak na isipan upang unawain ang malalim na pagkatao ng isang Daga. At siyempre dapat malaki rin ang iyong puso at pagmamahal sa kasuyo mong Daga para sa kabila ng tinatago at magulong damdamin ay patuloy mo siyang alagaan at lalo pang mahalin.
Tugma at compatible naman sa Daga ang masipag at seryosong Baka, ang tapat at medyo tamad na Dragon, at ang may pagkatusong Ahas. Gayunman, natutuwa rin ang Daga sa isang maharot na Unggoy, hindi lang ‘yan dahil tugma rin sa isang Daga ang matapang na Tigre, at ang malambing na Baboy.
Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.
Itutuloy….
Comentarios