top of page
Search
BULGAR

Mga animal sign na ka-compatible ng Baka

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-6 Araw ng Abril, 2024


Ipagpatuloy  natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Ox o Baka. 

 

Ang Ox o Baka ay silang mga isinilang noong 1925, 1937, 1949, 1961, 1973, 1985, 1997, 2009, 2021, 2033. 

 

Sa aspetong pang propesyon, sinasabing uunlad, liligaya at magtatagumpay ang isang Baka sa propesyong may kaugnayan sa batas at sa pagpapairal ng katarungan sa mga mahihirap at naaapi, tulad ng judge at iba pang propesyon o katungkulan na ang nature ay humahatol, dahil sa taglay nilang talas ng isipan.


Walang iniiwan sa kuwentong matatagpuan sa Bibliya sa Unang Hari, 3:16-18, kung saan ipinamamalas ni Haring Solomon ang napakatalinong desisyon at paghatol.


Ganito ang istorya, may dalawang babae na magkasama sa iisang bahay ang nagsadya kay Haring Solomon, dahil kapwa sila nanganak nang halos magkasabay na parehong lalaking sanggol. Namatay ang anak nang ikalawang babae dahil nadaganan niya ito habang siya ay natutulog.


“Habang ako po ay natutulog, kinuha niya ang anak ko at dinala sa kanyang higaan at ‘yung patay niyang anak ang itinabi sa tabi ko. Kinaumagahan, nagising ako para padedehin ang aking anak at natagpuan ko na lang ito na patay na. Pero, nang pagmasdan kong mabuti ang sanggol, nakilala ko na hindi iyon ang tunay kong anak.”


Tumutol naman ang ikalawang babae at sinabing, “Hindi totoo iyan! Ang anak ko ang buhay at ang sa kanya ang patay!”


Lalo namang iginiit nang unang babae na, “Mahal na hari, ang anak niya po ang patay at ang sa akin ang buhay!”


Kaya't sinabi ni Solomon sa isa, “Sinasabi mong iyo ang buhay na bata at sa kanya ang patay.”


At sa ikalawa, “Ang sabi mo naman, iyo ang buhay at sa kanya ang patay.”  Kaya nagpakuha ang hari ng isang tabak, at idinala sa kanya ang isang matalim na tabak.  



Sinabi ng hari, “Hatiin ang batang buhay at ibigay ang kalahati sa bawat isa.”


Nabagabag ang puso ng tunay na ina at napasigaw,  “Huwag po, kamahalan! Ibigay n’yo na lang po sa kanya ang bata, basta huwag n’yo lamang itong patayin.”


Sabi naman ng isa, “Sige, hatiin n’yo ang bata, para walang makinabang kahit sino sa amin!”


Kaya’t sinabi ni Solomon, “Huwag n’yong patayin ang bata. Ibigay n’yo sa una, dahil siya ang tunay na ina.”


Ganu’n kagaling humatol ang mga taong isinilang sa Year of the Ox, kaya naman dahil sa taglay nilang mala-Haring Solomon, sa larangan ng pagpapatupad ng batas at makatarungang pagpapasya sa kanilang nasasakupan  ang Baka ay tiyak na kikilalanin, magtatagumpay at labis na mamahalin ng mga taong kanyang pinamamahalaan at nasasakupan.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, bagama’t may pagkapihikan at bihirang makaranas ng tinatawag na love at first sight, mali namang isipin na hindi sila romantiko at hindi rin totoo na hindi sila naiinlab.


Bagama’t may pagka-naive o halos walang gaanong pakiramdam, umiibig pa rin naman ang isang Ox. Ang problema nga lang ay mabagal silang kumilos at mabagal din silang umibig kaya ang akala ng marami ay hindi gaano masarap magmahal ang mga Ox, ngunit ang totoo, praktikal lang sila kung umibig.


Ang magara pa sa isang Baka, oo nga’t medyo mabagal silang umibig at magmahal, kapag nainlab naman sila ay talaga namang seryosohan. Hindi sila papayag na hindi nila mabibigyan ng magandang buhay at masaganang kinabukasan ang taong kanilang iniibig.


Gayunman, may mga sandali na ang Baka ay madali rin mag-init ang ulo o magalit, at kapag nagalit sila, ito ay matagal nilang kikimkimin. Kaya nga sinasabing, mabagal silang magmahal.


Tulad ng nasabi na, bagama’t mabagal mainlab ang isang Ox, kapag nainlab naman sila, bukod sa seryoso at totoo, nagiging tapat din sila. Kaya nakakabuo sila ng isang maligaya, maunlad at panghabambuhay na pakikipagrelasyon lalo na sa mga animal sign na katugma at ka-compatible ng Baka, tulad ng Rooster o Tandang gayundin ang Snake o Ahas at Rat o Daga.


Sa sandaling nagkaroon ng relasyon ang Baka at Tandang, sinasabing agad silang magkakasundo at magkakaunawaan, dahil kapwa sila masipag, praktikal at dedikado sa kanilang mga ginagawa. Kaya kapag ang Baka at Tandang ay nagkatuluyan, tiyak na sila ay yayaman at uunlad nang uunlad.


Habang ang relasyon ng Baka at Ahas ay magiging mapalad din dahil aalagaan ng Ahas ang Baka sa panahong siya ay nahahapo at napapagod. Ang mahiwagang haplos ng isang Ahas ang siyang magpapasigla at bubuhay sa imahinasyon at pagnanasa ng isang Baka.


Ang Daga at Baka ay sinasabi ring compatible. Nangyaring ganu’n, dahil ang Daga tulad din ng Ahas ay tunay ngang maaruga at mapagkalinga na gustung-gusto naman maranasan ng isang Baka.


Ang nasabing mga relasyon, Baka at Tandang. Baka at Ahas; at ang Daga at Baka, tulad ng naipaliwanag na ay sadyang magiging mapalad at maligaya higit lalo kung ito ay mabubuo ngayong Green Wood Dragon, na maghahatid ng suwerte at magandang kapalaran sa nasabing mga animal sign. 


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.

 


Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page