Mga anak kay Marjorie, itinakwil na… DENNIS: SA BUROL KO NA LANG ULI AKO MAKIKITA NINA JULIA, CLAUDIA AT LEON
- BULGAR
- Apr 11
- 4 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | Apr. 11, 2025
Photo: Dennis Padilla, Claudia at Julia Barretto - Instagram
Hindi natapos sa sunud-sunod na posts sa social media ang paglalabas ng sama ng loob ni Dennis Padilla kaugnay ng nangyaring pambabalewala sa kanya sa kasal ng anak na si Claudia Barretto kay Basti Lorenzo nu’ng April 8 sa St. James The Great Parish sa Ayala, Alabang.
Matapos ngang pagpiyestahan ang “nabudol” post ni Dennis sa kanyang Instagram account kung saan sinabi niyang “father of the bride” siya pero itinrato lang na “guest” at isinama pa sa upuan ng mga ninong, nagpainterbyu rin si Dennis kay kapatid na Ogie Diaz para detalyadong ikuwento ang mga naganap bago at during the wedding nina Claudia at Basti.
Ayon nga sa kuwento ni Dennis, bago ang controversial na eksena sa kasal, nakipagkita sa kanya sina Julia, Claudia at Leon at buong akala niya ay umpisa na ito ng pagiging reunited nila.
Sa nasabing reunion nga nila siya sinabihan ni Claudia na gusto raw nito ay maayos ang isuot niya sa kasal, kaya umasa naman si Dennis na maihahatid niya sa altar ang anak nila ni Marjorie.
Pero ayun na nga, dahil hindi rin siya pinadalhan ng formal invitation, hindi agad nalaman ni Dennis na wala pala siyang partisipasyon sa programa kundi “bisita” lamang.
Gusto na nga raw sana nilang umalis agad ng kanyang ina at kapatid na si Gene Padilla pero dahil naawa siya kay Claudia na humiling na makapag-picture taking sila after ng wedding kaya pinagbigyan niya naman ang hiling ng anak.
Pero napakasakit para kay Dennis nu’ng naglalakad na nga si Claudia at nakatanaw lang siya rito na tulad ng isang bisita. Ni hindi rin daw siya nilapitan nina Julia at Leon nu’ng mismong araw ng kasal.
Naikuwento rin ni Dennis kay Ogie Diaz na muntik pa ngang hindi matuloy ang kasal ni Claudia. Nu’ng umaga raw kasi ng April 8, naghahanda na siyang magbihis nang tumawag si Claudia para sabihing hindi na matutuloy ang kasal.
Nagulat daw si Dennis at tinanong ang anak kung bakit. Umiiyak daw na sinabi ni Claudia na isang linggo bago ang kasal, naramdaman daw niyang mukhang hindi interesado si Basti sa nalalapit na wedding kaya parang naguguluhan siya kung itutuloy ito.
Ngunit maya-maya lang din daw ay tumawag uli si Claudia at sinabing tuloy na ang kasal kaya nagmadali namang pumunta si Dennis kasama ang ina at kapatid.
Pero ang kasiyahang inaasahan ay napalitan nga ng sakit at galit matapos siyang hindi itratong ‘tatay’ sa kasal ni Claudia.
Ang punto ni Dennis, kung nasabi lang daw agad sa kanya ng anak na hindi pala siya kasama sa programa, baka hindi na lang siya um-attend sa kasal. Pero dahil nga sa sinabi ni Claudia na gusto nito ay nandu’n siya at pinagbihis pa nang maayos, umasa siyang tatayo siyang ‘father of the bride’.
Ibinulgar din ni Dennis na kahit pala sina Claudine at Gretchen Barretto ay hindi imbitado sa kasal ni Claudia kahit pa nagmakaawa raw si Claudine na maimbita siya dahil gusto niyang masaksihan ang kasal ng paborito niyang pamangkin.
Alam daw ni Dennis na ayaw ni Claudia ang mga nangyayari dahil nakita raw niya sa mga mata ng anak na gusto nitong ihatid niya ito sa altar.
Napaiyak ngang sabi ni Dennis, “I can see it in her eyes, eh. Nararamdaman ko kahapon, eh, pagharap niya sa mga tao, hinahanap niya ako.”
At dahil sa sobrang sama nga ng loob ni Dennis sa nangyari, binubura na raw nito sa Instagram ang mga pictures ng kanyang mga anak kay Marjorie at nakapagbitaw na rin ito na “finish” na at huling pagkakataon na ito ng ugnayan nila ng mga anak.
“Yes, ako na masusunod ngayon, hindi na sila. Hindi na nila ako makakausap at makikita. I won’t give them any chance to see me and talk to me. I will not give them any chance.”
Emosyonal pang dagdag nito, “This is a permanent goodbye. Maybe the last time that they will see me, sa loob na ng kabaong ko ‘yun.”
Awww! Ang sakit-sakit naman nu’n!
Hindi madali ang pinagdaraanan ng mag-aama at kung kami ang tatanungin, ipinagpe-pray pa rin naming mawala ang mga galit sa puso nila at mangibabaw ang pagmamahal at pagpapatawad bago pa mahuli ang lahat, nang sa ganu’n, maramdaman pa rin nila na bali-baligtarin man ang mundo, ang pamilya ay pamilya!
NAPAKA-INFORMATIVE ng show nina Sen. Alan Peter Cayetano, Sen. Pia Cayetano at Boy Abunda na CIA with BA dahil ang daming natututunan ng mga viewers dito, hindi lang sa usaping-batas kundi pati ‘yung mga bagay na may kaugnayan sa ating pang-araw-araw na buhay.
Tulad sa latest episode nito kung saan isang OFW sa Hong Kong ang kumonsulta sa programa kung puwede raw bang kilalanin ng ‘Pinas ang mga natutunan nila sa ibang bansa.
“Mayroon po bang equivalent program or make-credit po ba ng TESDA ang mga pinag-aaralan po namin dito tulad po ng fire safety, food safety and food hygiene, computer literacy, basic first aid and child development and care?” tanong ng OFW na si Annie.
Sa tulong ng legal team ng CIA with BA, ipinaliwanag ni Atty. Bernadette Maybituin na may programa ang TESDA para sa mga OFWs na tulad ni Annie.
“Tama po na may programa ang TESDA para sa OFWs na katulad ninyo. Ito po ang recognition of prior learning or RPL, alinsunod sa TESDA Circular 09 Series of 2021,” ani Atty. Maybituin.
“Ayon sa circular na ito, maaari ninyong ipa-certify ang inyong mga training o
kakayanan, kahit ito pa ay natutunan n’yo sa ibang bansa,” dagdag niya.
Ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ay isang ahensya
ng gobyerno na nagbibigay ng technical-vocational education and training (TVET)
sa mga Pilipino. Sa pamamagitan ng Recognition of Prior Learning (RPL),
binibigyang daan nito ang mga skilled workers, kabilang ang mga OFWs, na
makakuha ng National Certificate (NC) batay sa kanilang kaalaman at karanasan —
pormal man o impormal — na nakuha sa trabaho o mga training, kahit sa ibang bansa.
Ang episode ay patunay sa layunin ng CIA with BA na suportahan ang mga kababayan nating nasa ibang panig ng mundo, at bigyang-linaw ang mga isyung legal at praktikal na may kinalaman sa kanilang kinabukasan.
Ang CIA with BA ay napapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA-7, hosted nina Senators Alan at Pia Cayetano, at King of Talk Boy Abunda.
コメント