top of page
Search
BULGAR

Mga aberya sa pamimigay ng ayuda, dapat nang tuldukan!

ni Ryan Sison - @Boses | April 22, 2021



Dahil iba-iba ang laki ng bawat siyudad sa NCR Plus, hindi pare-pareho ang ganap sa pamamahagi ng ayuda.


Mayroong nagbahay-bahay para hindi na kailangang lumabas ng mga benepisaryo, ang iba naman ay nagpapunta sa barangay hall at iba pang venue dahil hindi kakayaning mag-house to house.


Ngunit sa kabila ng iba’t ibang diskarte, hirap talaga ang ilang lungsod na makasunod sa deadline, kaya matatandaang nanawagan ang ilang lokal na pamahalaan sa NCR Plus na palawigin pa ang pamamahagi ng ayuda dahil hindi kakayaning maipamigay ito agad dahil sa laki ng ilang siyudad.


Ang ibang lugar naman, natigil pa ang pagbibigay dahil sa lockdown at pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ilang lugar.


Dahil dito, pinalawig ng gobyerno ang deadline para sa pamimigay ng ayuda sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal na sumailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) kamakailan.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, puwedeng ipamahagi hanggang Mayo 15, 2021ang pinansiyal na tulong mula sa gobyerno.


Una rito, inatasan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na opisyal na tapusin ang pamimigay ng ayuda sa loob ng 15 araw kung ito ay pera at 20 araw kung ito naman ay in-kind.


‘Ika nga, good news ito para sa mga lugar na talagang pahirapan sa pamimigay ng ayuda dahil malaki ang nasasakupan.


Ngunit sa pagpapalawig na ito, hangad nating maging maayos at mapayapa na ang pamamahagi ng ayuda.


Matatandaang kamakailan kasi, sandamakmak na reklamo ang hinarap ng mga LGUs tulad ng nawawalang pangalan ng mga benepisyaryo sa listahan, kulang-kulang na ayuda at dagsaang benepisaryo sa venue.


Kaya naman hangad nating matugunan ang mga reklamo o aberyang ito nang sa gayun ay maiwasan ang mas matagal na pamamahagi ng ayuda, gayundin upang maging sapat na ang karagdagang panahon na ibinigay ng gobyerno.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page