ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 23, 2021
Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na isinailalim sa general community quarantine (GCQ) “with heightened restrictions” ang Metro Manila simula ngayong araw, July 23 hanggang sa July 31, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Isinailalim din sa GCQ “with heightened restrictions” ang mga probinsiyang: Ilocos Norte, Ilocos Sur, Davao De Oro, at Davao Del Norte.
Ang Davao Del Sur naman ay isinailalim sa GCQ mula sa modified ECQ classification, simula rin ngayong araw hanggang sa July 31, ayon kay Roque.
Samantala, isinama na rin ang Malaysia at Thailand sa ipinatutupad na travel ban dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.
Saad pa ni Roque, “Inaprubahan po ng ating presidente na ang lahat po ng mga biyahero na galing sa Malaysia or Thailand or mayroong history of travel sa Malaysia o Thailand sa nakalipas na 14 days ay hindi po puwedeng papasukin ng Pilipinas. Ito po ay magsisimula nang 12:01 AM of July 25 hanggang 11:59 PM ng July 31.”
Hozzászólások