top of page
Search
BULGAR

Metro Manila, binaha dahil kay Fabian


ni Lolet Abania | July 21, 2021



Lalo pang lumakas ang Bagyong Fabian habang ito ay dahan-dahang kumikilos patungong kanluran, ayon sa PAGASA ngayong Miyerkules. Sa alas-11:00 ng umagang forecast ng PAGASA, si ‘Fabian’ ay magdudulot ng malalakas na pagbuhos ng ulan sa buong bansa, habang wala namang inisyung Tropical Cyclone Wind Signal ang ahensiya.


Gayunman, ang Southwest Monsoon na pinalakas ng Bagyong Fabian at ng Tropical Storm Cempaka ay inaasahang magdadala ng mga pag-ulan sa buong Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes, Babuyan Islands, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at ang hilagang bahagi ng Palawan, kabilang ang Calamian at Kalayaan Islands sa susunod na 24 oras.


Ilang lugar sa Metro Manila ang binaha ngayong Miyerkules nang umaga kasabay ng walang tigil na pagbuhos ng ulan dulot ng Southwest Monsoon. Ayon sa PAGASA, posibleng itaas sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang buong Batanes at Babuyan Islands depende sa magiging galaw ng Bagyong Fabian sa maghapon.


Base naman sa alas-10:00 ng umagang update ng PAGASA, ang sentro ng Typhoon Fabian ay nasa layong 705 km silangan-hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes.


Mayroon itong maximum sustained winds na 150 km/h malapit sa sentro, may pabugsu-bugsong hangin na aabot sa 185 km/h, at central pressure na 960 hPa. Kumikilos ito nang dahan-dahan pa-kanluran na may kasamang malakas na hangin o matinding pagbayo ng hangin na aabot sa 650 km mula sa sentro.


Inaasahang maalon hanggang sa malakas na alon ang mararanasan sa karagatan ng Batanes at Babuyan Islands, at ang western seaboard ng Palawan kabilang dito ang Kalayaan at Calamian Islands, at Occidental Mindoro kabilang dito ang Lubang Islands. Samantala, katamtaman hanggang sa maalon ang karagatan sa bahaging silangan at ang natitirang bahagi ng northern at western seaboards ng Luzon.


Ayon sa state weather bureau, kumikilos sa ngayon ang Bagyong Fabian pa-kanluran hanggang Huwebes nang gabi, kanluran hilagang-kanluran ng Biyernes nang umaga, habang patungo naman ng hilagang-kanluran ng Biyernes nang gabi. Lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility sa Sabado nang umaga. Iniulat pa ng PAGASA na ang pag-landfall sa buong mainland China ng Bagyong Fabian ay tuluyang pag-alis nito sa bansa sa Linggo.



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page