ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Dec. 2, 2024
Dear Doc Erwin,
Nabasa ko ang mga isinulat n’yong artikulo tungkol sa health benefits ng Metformin na panlaban sa diabetes, at laban sa mga sakit na kaakibat ng pagtanda.
Nais ko sanang malaman kung nakakatulong din ang Metformin kontra sa kanser. May mga pag-aaral na ba ang mga dalubhasa tungkol sa epekto ng Metformin upang maiiwas ang tao sa malubhang sakit ng kanser? — Alexander
Maraming salamat Alexander sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Sa mga nakaraang artikulo ng Sabi ni Doc ay napag-usapan natin ang maraming health benefits ng “wonder drug” na ito na unang ginamit ng mga European chemists na sina Emile Werner at James Bell noong 1922. Ang Metformin ay galing sa herb na French lilac o goat’s rue. Ang halaman na ito ay may scientific name na Gallega officinalis.
Ang Metformin ay hindi lamang tanyag sa buong mundo bilang gamot sa iba’t ibang uri ng diabetes, napatunayan din na ito ay may beneficial therapeutic effects laban sa metabolic syndrome, fatty liver disease at hyperlipidemia. Ito ay mura at ayon sa mga dalubhasa ay may very minimal na side effects.
Kasalukuyang ginagamit na rin ang Metformin na kabilang sa mga gamot laban sa polycystic ovarian syndrome o PCOS.
Sa ibang bansa katulad ng Amerika, sa pangunguna nina Dr. David Sinclair ng Harvard Medical School at Prof. Nir Barzilai ng Albert Einstein College of Medicine, ay pinag-aaralan na sa mga clinical trials ang Metformin bilang anti-aging drug. Dahil sa anti-inflammatory, anti-oxidant effects ng Metformin, pati na sa pag-promote nito ng cellular repair at pag-improve ng insulin sensitivity, naniniwala ang maraming dalubhasa na mapapahaba ng Metformin ang health span at ang buhay ng tao. May mga dalubhasa na nagbansag sa Metformin bilang isang “longevity drug”.
Ngunit hindi rito natatapos ang mga health benefit ng Metformin. Ayon sa isang pag-aaral ng mga scientist na inilathala sa medical journal na Cancer Management Research noong April 17, 2019, may sampung mekanismo ang Metformin na panlaban sa kanser (anti-cancer effects). Ayon din sa pag-aaral na ito may ebidensya na ang Metformin ay nakaka-prevent ng paglaki ng lung cancer, prostate at colon cancer. Base sa resulta ng Taiwan National Health Insurance Data Survey sa pag-aaral nito ng mahigit na 12,000 pasyente mula taon 2000 hanggang 2007, ang pag-inom ng Metformin ay nakababa ng 88% ng likelihood na magkaroon ng maraming uri ng kanser.
Sa pag-aaral ng 195 patients sa loob ng mahigit na 9 na taon na inilathala noong taong 2009 sa scientific journal na Acta Diabetologica, ang pag-inom ng Metformin sa loob lamang ng 36 months ay nagresulta sa significant reduction sa risk na magkaroon ng kanser.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments