top of page
Search
BULGAR

Metformin, hindi lang gamot sa diabetes, pampahaba ng buhay


ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | January 11, 2022




Dear Doc Erwin,


Ako ay 58 years old at kamakailan ay na-diagnose ako na may diabetes.


Sa awa ng Diyos, maliban sa sakit na ito ay itinuturing ko na malusog ang aking pangangatawan. Mahilig ako mag-exercise, araw-araw.


Niresetahan ako ng doktor ng Metformin upang makontrol umano ang aking blood sugar at maiwasan ang mga komplikasyon. Sinabi rin niya na ang Metformin ay may ‘healthy’ side effects na makabubuti sa akin, at ito raw ay maaaring makapagpahaba ng aking buhay. Totoo kaya ito? – Glenda


Sagot


Maraming salamat Glenda sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang diabetes mellitus o ‘diabetes’ ay sakit, kung saan tumataas ang blood sugar ng indibidwal – dahil una, sa kakulangan ng insulin. Pangalawa, sa kakulangan ng pagresponde ng cells sa insulin. Ang unang klase ay tinatawag na Type 1 Diabetes mellitus habang ang pangalawa naman ay tinatawag na Type 2 Diabetes mellitus.


Dahil sa pagtaas ng blood sugar, ang indibidwal na may diabetes ay nakararanas ng madalas na pag-ihi, pagkauhaw at pagkagutom. Kalauna’y nagkakaroon ng mga komplikasyon ang diabetes sa ating nervous system, kidneys at mga mata. Maaari ring makaranas ng sexual dysfunction, atake sa puso at stroke. Dahil sa mga nabanggit na komplikasyon ng pagtaas ng blood sugar level, kinakailangang pababain ito upang maiwasan ang mga komplikasyon. Isang paraan na ginagamit ng mga doktor ay ang pagpapainom ng Metformin sa indibidwal na may diabetes o sa sinasabing “high risk” na magkaroon ng diabetes.


Maraming scientific studies na ginawa tungkol sa epekto ng Metformin. Ayon sa review article sa Journal of Research in Medical Sciences, na inilathala noong July 2014, ito ay tumutulong na maibalik ang maayos na pagresponde ng ating katawan sa insulin.


Tumutulong din ito na pababain ang blood sugar na ginagawa ng ating atay at ina-absorb ng bituka.


Bukod sa magandang epekto ng Metformin na pababain ang blood sugar level ng indibidwal na may diabetes, nakita rin sa scientific studies na may iba pa itong epekto sa katawan. Ginagamit ng mga doktor ang Metformin bilang ‘off-label’ medication sa sakit na ‘gestational diabetes’ upang mapababa ang blood sugar level ng nagbubuntis.


Ginagamit din ito sa kababaihang may Polycystic ovary syndrome (PCOS), kung saan nakatutulong ito upang maging regular ang kanilang menstruation, maibalik ang fertility at mapababa ang blood sugar level. Sa indibidwal na umiinom ng antipsychotic medications, ito ay nakababawas ng pagtaba na side effect ng medikasyon.


Sa systematic review and meta-analysis study, kung saan pinag-aralan ang epekto ng Metformin sa cancer risk sa mahigit 10 milyong indibidwal na may Type 2 diabetes, nakita ng mga scientists ang pagbaba ng cancer risk para sa breast, colon at prostate cancer sa mga indibidwal na uminom ng Metformin. Ang pag-aaral na ito ay inilathala sa scientific journal na Primary Care Diabetes noong February 2021.


Ipinublish ng Journal of Alzheimer’s Disease noong 2018 ang scientific study kung saan nakita na may ‘neuroprotective effect’ ang Metformin laban sa Alzheimer’s Disease at dementia sa indibidwal na may diabetes. Nakatutulong din ang Metformin na maiwasan ang stroke ng indibidwal na may diabetes ayon sa clinical study na inilathala noong February 2014 sa Journal of Stroke and Cerebrovascular Disease.


Sa mga preliminary studies na isinasagawa, tulad ng MILES (Metformin in Longevity Study) at TAME (Targeting Aging with Metformin), ipinapakita ng data, ayon sa August 2021 critical review article sa Frontiers in Endocrinology, na ang Metformin ay maaaring mag-induce ng “anti-aging transcriptional changes” at may “beneficial effects” ito sa aging at healthspan. Ayon kay Dr. Robert Shmerling ng Harvard Medical School ang preliminary studies ay nagpapakita na ang Metformin ay maaaring makapagpabagal ng pagtanda at makapagpahaba ng buhay.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page