top of page
Search
BULGAR

Mental na kalusugan ng mga mag-aaral, matututukan sa localized limited face-to-face classes

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | March 11, 2021



Bukod sa agarang pagkakaroon ng learning recovery sa gitna ng mga pinsalang dulot ng COVID-19 sa sistema ng edukasyon, ang pagpapatuloy ng mga safety nets para sa mga kabataang mag-aaral ay mahalagang hakbangin para bigyang-prayoridad ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.


Pero dapat magsimula muna ang pagbubukas sa pamamagitan ng localized limited face-to-face classes sa mga itinuturing na low-risk areas. Base sa mapa ng COVID-19 tracker ng University of the Philippines, may mahigit 400 na munisipalidad ang walang aktibong kaso ng COVID-19 buhat noong Pebrero 9.


May mga programa ang mga paaralan upang masuportahan ang mga lubos na nangangailangan na mga mag-aaral. Isang halimbawa ang school-based feeding program na pinagkukunan nila ng masustansiyang pagkain kada araw, lalo na ng mga estudyanteng kabilang sa mahihirap na pamilya.


May mga programa ring pangkalusugan sa mga paaralan tulad ng deworming at pagbabakuna, habang ang ilan naman sa mga bata na nanganganib na makaranas ng karahasan at pang-aabuso sa loob ng kanilang tahanan ay maaaring matulungan ng mga child protection programs ng eskuwelahan. Kung inyong matatandaan ay tumaas ang kaso ng karahasan laban sa kabataan dito sa bansa at lalo pang nanganganib na umakyat ang bilang nito ngayong panahon ng pandemya.


Makatutulong naman sa mental health ng mga estudyante ang pakikipag-ugnayan nila sa kanilang mga kapwa mag-aaral kapag natuloy na ang localized limited face-to-face classes lalo na sa low risk areas. Sa pamamagitan din kasi nito, tiyak na makatatanggap ang mga mag-aaral ng sapat na paggabay mula sa kanilang mga guro.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, nais din nating bigyang-diin ang maayos na implementasyon ng minimum public health standards sa pagbabalik ng edukasyon sa mismong mga paaralan. Base sa mga pag-aaral na ginawa ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) sa Estados Unidos, Public Health Agency (PHA) ng Northern Ireland at University of Warwick sa Inglatera, mas malaki ang posibilidad na mahawa ang kabataan sa mga komunidad kaysa sa mga paaralan kaya posible ang pagsasagawa ng face-to-face classes basta ipagpatuloy lang ang wastong pagsuot ng mask, pag-obserba ng physical distancing, regular na paghuhugas ng mga kamay at disinfection. Uulitin natin, puwede nating simulan sa pamamagitan ng localized limited face-to-face classes.


Maliban sa pagbibigay ng edukasyon, ang mga paaralan ay nakatutok din sa kalusugan, proteksiyon at kapakanan ng ating mga estudyante na maaari lamang maibigay sa kanila kapag nagkaroon na ng face-to-face classes. Tandaan, labis na mahalaga ang pagtugon sa mga programang ito ngayong panahon ng pandemya at hindi ito dapat ipagsawalangbahala alang-alang sa kinabukasan ng kabataang Pilipino.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page