ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | July 13, 2024
Nitong nakaraang linggo, hindi dumalo si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality tungkol sa POGO at isyu ng citizenship na kanyang hinaharap.
Ang nakakalungkot dito, ginamit niya ang mental health bilang palusot para hindi siya dumalo ng hearing sa Senado.
Sumulat si Guo sa komite kung saan kinumpirma nitong hindi siya makakadalo dahil sa isyu ng kanyang kalusugan at naapektuhan na umano ang kanyang mental health.
Seryoso ang usapin ng mental health kaya naman nababahala tayo na tila ginagamit itong convenient excuse para hindi dumalo sa imbestigasyon sa Kongreso.
Dapat maging maingat ang mga komite na nagsasagawa ng kani-kanilang mga pagdinig ‘in aid of legislation’ dahil baka abusuhin ng resource persons ang mental health claim para makaiwas sa pagdalo sa mga pagdinig.
Ang hindi pagdalo ni Guo sa pagdinig ng Senate committee on women na naghahatid ng mapanganib na mensahe na ang mental health ay maaaring manipulahin bilang isang legal shield.
Ang ayaw nating mangyari ay magamit ang Senado, at maging precedent sa mga susunod na pagdinig.
Bukod sa tila paggamit dito bilang palusot para umiwas sa legal responsibilities, nakakadagdag din ito sa pagpapanatili ng stigma sa mga taong may mental health condition.
Mahalaga na magkaroon ng balanse sa pag-check at pag-unawa sa totoong mental health issue para mapigilan ang pag-abuso nito.
Ang sa akin lang, nakakahiya naman doon sa mga tunay na may mental health condition.
Hindi tayo magsasawang sabihin na seryosong usapin ang mental health at hindi ito dapat ginagamit na dahilan para magsinungaling.
☻☻☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice!
FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
תגובות