top of page
Search
BULGAR

Mental health services sa mga eskwelahan, aarangkada na

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | January 4, 2024

Happy New Year!


Positibo ang ating mindset sa pag-angat ng sektor ng edukasyon ngayong pumasok na ang taong 2024, lalo na’t kaakibat ng mas mataas na national budget sa taong ito ang ilang makabuluhang programa para sa kapakanan ng mga kabataan. Kasama na rito ang aspeto ng mental health ng mga mag-aaral, kung saan Php210 milyong pondo ang nakalaan ngayong taon para sa pagpapatupad ng mga programa at adbokasiya sa mental health ng Department of Education (DepEd).


Mahalagang matutukan ang pagpapatibay at epektibong pagpapalaganap ng mga paraan upang maisulong ang mental health sa ating mga paaralan. Kaya naman tiniyak natin na sa ilalim ng 2024 budget ay mayroon tayong pondo para sa mga programa ng DepEd at masuportahan ang mental na kalusugan ng ating mga mag-aaral.


Batay sa datos ng DepEd, 1,686 na mga mag-aaral ang nagpakamatay sa pagitan ng School Year (SY) 2017-2018 at SY 2022-2023, habang 7,892 naman ang nagtangkang magpakamatay.


Patunay din ang resulta ng international large-scale assessments na nagpapakita ng mataas na bilang ng mga insidente ng bullying sa mga paaralan sa Pilipinas. Base sa datos ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), mas maraming mga estudyante sa ating bansa ang nakakaranas ng pambu-bully (63.2 porsyento), aggression (9.2 porsyento), karahasan (12.3 porsyento), at offensive behavior (28.8 porsyento) kung ihahambing sa ibang mga mag-aaral sa Southeast Asia.


Sa resulta naman ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), isa sa tatlong mag-aaral na 15 taong gulang ang nakaranas ng bullying nang hindi bababa sa isang beses sa isang linggo. Bumaba man ang bilang ng mga mag-aaral na nakaranas ng bullying sa pagitan ng 2018 at 2022, nananatili pa ring hamon ang pagsugpo sa bullying, lalo na sa mga lalaki at sa mga public school. Lumabas din sa ulat ng PISA na mas mababa ng 11 hanggang 44 puntos ang nakukuhang score sa Mathematics ng mga mag-aaral na nakaranas ng pambu-bully nang ilang beses sa isang buwan.


Mandato ko bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education ang maisulong ang dekalidad na edukasyon para sa lahat.


Kaya naman isinusulong ng inyong lingkod ang pagsasabatas ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200) upang gawing institutionalized ang School-Based Mental Health Program. Dito, sisiguraduhing may sapat na access ang mga bata sa school-based mental health services sa mga ipapatayong care center, katuwang ang mga mental health specialists at associates. 

 

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page