top of page
Search
BULGAR

Mental health services para sa lahat, palalakasin

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Pebrero 8, 2023



Suportado ko ang mga hakbang ng kasalukuyang administrasyon, lalo na ‘yung para sa kapakanan at ikagaganda ng buhay ng bawat Pilipino, partikular ng mga mahihirap at walang malalapitan maliban sa pamahalaan.


Kaisa ako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kanyang mahahalagang legislative agenda na kabilang sa Philippine Development Plan 2023-2028, na kanyang inaprubahan sa pamamagitan ng Executive Order No. 14 noong Enero 27. Sang-ayon ako sa layunin nito na palakasin pa lalo ang mga nasimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tugunan ang mga pangkasalukuyang mga suliranin, at mas maisaayos ang ating landas patungo sa sama-samang kaunlaran.


Ang PDP 2023-2028 ay magkakaloob sa atin ng tiyak na patnubay kung paano natin pangangasiwaan ang ating bansa habang sama-sama tayong nagtatrabaho para makabangon mula sa epekto ng pandemya. Naniniwala ako na ang prayoridad na mga panukalang-batas na taglay nito ay magkakaroon ng malaki at positibong epekto sa buhay ng bawat Pilipino.


Nakakatuwa na karamihan sa mahahalagang legislative agenda na nakapaloob sa PDP 2023-2028 ay kagaya ng mga panukalang-batas na nai-file ko sa 19th Congress. Kabilang dito ang Senate Bill No. 1180 o ang pagkakaroon ng Medical Reserve Corps kung saan ang mga licensed physicians, medical degree holders, estudyante na nakakumpleto ng apat na taong medical course, rehistradong nars, at licensed allied health professionals ay maaaring hingin ang serbisyo para matugunan ang pangangailangang medikal ng publiko.


Kabilang din ang pagtatayo ng Philippine Center for Disease Control and Prevention na kahalintulad ng panukala kong SBN 195; at ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines na kahalintulad naman ng panukala kong SBN 196. Sa nais ng Pangulo na magkaroon ng mas maraming specialty centers, nauna na akong nagpahayag noon ng suporta sa kanya sa bagay na ito kaya i-finile ko ang SBN 1321 na hangaring magtayo ng regional specialty centers sa Department of Health (DOH) hospitals kung maisabatas.


Noong nakaraan, napakaraming lumalapit sa amin, hindi lang para magpagamot, humihingi rin ng pamasahe para bumiyahe dahil nasa mga siyudad ang mga specialty centers na kayang gumamot sa kanila. Ilapit na natin sa mga nangangailangan ang serbisyong-medikal na kailangan nila mula sa mga specialty centers.


Prayoridad din ng PDP 2023-2028 ang pagkakaroon ng batas para sa rental housing subsidy at magkaroon ng access ang informal settler families, homeless, at mga higit na nangangailangan ng disenteng tirahan. Kahalintulad ito ng i-finile kong SBN 192 o ang Rental Housing Subsidy Program para matiyak na ang mga walang tahanan ay may access sa maayos na matutuluyan. I-finile ko rin ang SBN 194 na naglalayong ma-institutionalize ang transisyon ng pamahalaan patungo sa e-governance gamit ang makabagong teknolohiya para sa mas mabilis na paghahatid ng serbisyo sa mga tao.


Samantala, bilang Chair ng Senate Committee on Health, isa rin sa aking prayoridad ang mental health ng ating mga kababayan, lalo na nang lumaganap ang pandemya. Marahil, madalas itong iniiwasan na pag-usapan noon dahil kadalasan ay nahihiya sila sa posibilidad na ma-discriminate sila ng ibang tao. Pero mahalagang bahagi ito ng ating kabuuan kaya dapat huwag nating pabayaan.


Marami rin ang hindi alam kung ano ang mga senyales at sintomas nito. Umpisa pa lang ng pandemya, marami nang naiulat nagkaroon ng depresyon dahil maraming nawalan ng kabuhayan.


Tumaas din ang kaso ng suicide sa ating bansa, lalo na sa mga kabataan. Ayon sa report, 404 na estudyante ang nagpakamatay noong 2021. Nakakabahala ito.


Dahil dito, i-finile ko ang SBN 1786 noong Enero 26 na kung maisasabatas ay aatasan ang public higher education institutions (HEIs) na palakasin ang kanilang mental health services at magtatag ng Mental Health Offices sa kanilang campus. Suportado ko rin ang panukala ng kapwa ko senador na palakasin din ang mental health program sa basic education level.


Patuloy din ang ating pagsisikap na mapalakas ang ating healthcare system sa pamamagitan ng pagiging instrumento o tulay sa pagpapatayo ng mga Malasakit Centers at Super Health Centers sa buong bansa.


Noong Pebrero 2 ay dinaluhan natin ang ribbon cutting ng SHC sa Mariveles, Bataan.


Kasabay namang pinasinayaan ang itatayo sa Sarangani, Davao Occidental. Noong Pebrero 4 ay nagkaroon din ng groundbreaking sa itatayo naman sa Compostela, Davao de Oro. Kahapon, Pebrero 7, ay nag-groundbreaking din sa SHC sa Dolores, Eastern Samar.


Umaasa tayo na sa tulong ng mga kapwa ko mambabatas, lokal na opisyal at ng DOH na mas marami pa tayong maitatatag na Super Health Centers sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa.


Malaki po ang aking paniniwala na kung patuloy tayong magtutulungan at magbabayanihan, nasa tamang daan tayo tungo sa tuluyang pagbangon. Suportahan natin ang mga layunin ng ating pamahalaan dahil may maganda tayong oportunidad ngayon na maiangat ang buhay ng ating mga kapwa Pilipino.


Sa aking kapasidad bilang inyong Senador Kuya Bong Go, patuloy ako sa aking mga pagsisikap na mapagkalooban ng tulong ang mahihirap nating kababayan, at maihatid ang serbisyo, saanmang sulok ng ating bansa at sa abot ng aking makakaya.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page