ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 27, 2023
Nakalulungkot isipin na marami pa rin ang hindi lubos na nakakaunawa sa usapin ng mental health. Akala ng iba ay simpleng tulog o bakasyon lang ang solusyon para matugunan ang depression o anxiety.
Ang mas nakalulungkot ay hindi nakakatanggap ng angkop at propesyonal na tulong ang mga apektado ng mental health crisis, partikular na ang mga kabataang Pilipino.
Sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat ng 74% ang mga insidente ng suicide mula 2019 hanggang 2020, habang suicide ang naitalang pang-28 na pinakamataas na sanhi ng kamatayan. Noong 2019, pang-39 lang ang suicide bilang pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa.
Sa madaling salita, lumobo ang bilang ng mga namatay sa suicide simula noong sumiklab ang pandemya ng COVID-19.
Mula sa pre-pandemic annual average na 2,752 noong 2017 hanggang 2019, umakyat sa 4,085 ang annual average ng mga namatay sa suicide noong 2020 hanggang 2022.
Noong School Year (SY) 2020-2021 at SY 2021-2022, makikita sa datos ng Department of Education (DepEd) na may 412 na mga mag-aaral ang namatay sa suicide.
Bagama’t tinanggal na ng pamahalaan ang state of public health emergency na dulot ng COVID-19, nakakapangamba naman ang banta ng pagkakaroon ng mental health pandemic, lalo na sa mga mag-aaral. Magsilbi sanang aral ang ating mga naging karanasan sa pandemya pagdating sa pagbibigay prayoridad sa mga mental health services sa buong bansa.
Ito ang dahilan kung bakit naghain ang inyong lingkod ng Proposed Senate Resolution No. 671.
Layon nitong repasuhin ang pagpapatupad ng Mental Health Act (Republic Act No. 11036). Dito, titiyakin ang pagkakaroon ng sapat na mental health services kasabay ng paghahatid ng serbisyo para sa edukasyon, kalusugan, proteksyon, at kapakanan ng ating mga kababayan.
Nauna na nating inihain ang Senate Bill No. 2200 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act upang patatagin ang programang pang-mental health sa mga paaralan — tulad ng emotional, developmental, at preventive programs, kabilang ang iba pang support services upang matiyak ang social at emotional well-being ng mga mag-aaral maging ang teaching at non-teaching personnel.
Sa pagpasa ng batas na ito, mas lalo nating binibigyang-diin ang pagkilala sa ating mga paaralan bilang pangalawang tahanan ng mga mag-aaral, hindi lamang sa paglinang ng kanilang kaalaman at kahusayan, kundi maging sa pangangalaga sa kalusugan ng pag-iisip. Sama-sama nating isulong ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments