top of page
Search
BULGAR

Mental health ng mga menor-de-edad, apektado ng pandemya

ni Ryan Sison - @Boses | May 08, 2021



Tunay na sinubok ng pandemya ang bawat aspeto ng ating buhay.


At isa sa mga higit na apektado ay ang mental health ng karamihan, kabilang ang mga menor-de-edad.


Kaugnay nito, sinabi ng National Center for Mental Health (NCHM) na mula Enero hanggang Abril 2021, nakatanggap ang kanilang crisis hotline ng aabot sa 694 tawag mula sa mga nasa age group na 5 hanggang 17-anyos, kung saan nalagpasan umano nito ang 403 tawag na natanggap ng crisis hotline sa nasabing age group mula Marso 17 hanggang Disyembre 2020.


Ibig sabihin, kung noong nakaraang taon ay nasa 1 hanggang 2 tawag kada araw ang natatanggap ng crisis hotline mula sa menor-de-edad, umabot na sa 6 ang average daily calls na natatanggap nitong nakalipas na apat na buwan.


Karaniwan sa mga rason ng pagtawag ang anxiety o depressive symptoms, problema sa pamilya, referral sa psychiatrist o psychologist, problema sa academics, pag-aaral at pag-ibig.


Iba’t ibang intervention ang ibinibigay sa callers tulad ng psychological first aid at suicide prevention. Gayunman, ang ibang caller ay kailangan lamang umano ng kausap.


Sa kabuuan, umaabot na sa 5,511 ang tumawag sa crisis hotline NCMH mula Enero hanggang Abril 2021, kasama ang mga kabataan ang mga nasa hustong gulang.


Ang pagtaas ng bilang ng callers ay patunay na marami tayong kababayang nais magkaroon ng malalapitan sa mga panahong ito. Isa pa, malaking tulong ito sa mga menor-de-edad na problemado sa mental health, lalo na kung walang mahingan ng tulong sa pamilya.


Pero siyempre, hindi lang ang mga eksperto ang makatutulong sa mga kabataang may problema sa mental health kundi maging tayo rin.


Bilang kapamilya o kaibigan, ‘wag nating kalimutang kumustahin ang ating mga kaibigan at mahal sa buhay kung mayroon tayong pagkakataon. Simpleng bagay lang ito kung tutuusin, pero napalaking tulong sa bawat isa.


‘Ika nga, lahat tayo ay may pinagdaraanan, kaya sa panahon ng pandemya, piliin nating maging mabuti sa lahat ng tao — kakilala man o hindi.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page