top of page
Search

Mental health ng mga kasama sa bahay, bigyang-pansin sa panahon ng pandemya

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 29, 2021



Ngayong muli na namang sumirit ang kaso ng COVID-19 sa ating bansa ay hindi maiiwasang marami sa ating mga kaanak, kasama sa bahay at mga mahal sa buhay ang nakararanas ng pagkalito, pangamba o pagkapraning.


Isa ito ngayon sa nakakaligtaan ng marami sa ating mga kababayan na bigyang-pansin ang kondisyon ng mental health ng kani-kanilang kasama sa bahay maging bata man o matanda.


Ang Department of Health (DOH) mismo at ang World Health Organization (WHO) ay nagsanib kamakailan para pagtulungang palakasin ang kahalagahan ng mental health ng ating mga kababayan sa gitna ng pandemya.


Kahit ang Pilipinas ay nananatili sa ikalimang puwesto sa global optimism index ay pinatotohanan pa rin ng National Center for Mental Health (NCMH) na patuloy pa rin ang pagtaas ng natatanggap nilang tawag hinggil sa depresyon.


Bago umano sumailalim sa community quarantine ang bansa ay dati nang nasa 80 ang natatanggap nilang tawag sa loob ng isang buwan na umabot na sa halos 400 sa panahon ng pandemya at inasahang mas dadami pa sa muling pagsirit ng COVID-19.


Sa buong mundo ay nasa edad 15 hanggang 29 ang tinatamaan ng kaso hinggil sa problema sa mental health na hindi man lahat ay lumalala, ngunit may pagkakataong nauuwi ito sa pagpapatiwakal.


Sa ating bansa ay isa rin ito sa malaking suliranin na ating kinahaharap dahil marami sa pamilyang Pilipino ang hindi gaanong nag-uusap o hindi nakasanayang pag-usapan ang mga ganitong uri ng problema.


Marami umanong pamilya na hindi komportableng usisain ang kalagayan ng kanilang anak, kapatid o kahit sinong mahal nila sa buhay patungkol sa mga pagbabago nilang nararamdaman partikular sa kanilang kapansin-pansing kakaibang kilos at galaw.


Hindi lamang kabuhayan ang sinalanta ng pandemyang ito dahil marami ang nakararanas ng depresyon at anxiety dahil nawalan ng trabaho, hindi makalabas dahil takot mahawa at marami ang naghihirap ang kalooban dahil sa nakikita nilang kinukulang na sa pagkain ang mga mahal nila sa buhay.


Marami rin ang inaatake na ng lungkot dahil sa hindi sila makauwi ng kani-kanilang probinsiya at matagal na nilang hindi nakikita ang mga mahal nila sa buhay habang nasa gitna nang pakiramdam na nasa paligid lamang ang nakahahawang virus.


Sa mga ganitong pagkakataon, dapat maging mapagmasid tayo at huwag nating hayaang lumala pa ang mga napapansin nating pagbabago sa ating mga kasama sa bahay.


Una, dapat nating ipaalam sa kanila na handa tayong tumulong anumang oras at hindi sila nag-iisa kaya ang komunikasyon sa panahong ito ay labis na napakahalaga.


Huwag silang sisisihin, pupunahin o huhusgahan bagkus ay iparamdam na naririnig sila at naiintindihan sakaling may ibahagi man silang dinadala sa kanilang kalooban.


Hingan din sila ng rason ng kahalagahan ng buhay at piliting maipaliwanag sa kanila ng maayos at positibo kung bakit napakahalaga ng buhay at alamin kung nangyari na ba sa kanila ang ganitong pakiramdam at tiyaking makumbinsi na hindi panghabambuhay ang ganitong nararanasan.


Kumbinsihin din sila na mag-focus sa kasalukuyang araw na maging masaya at huwag munang mag-isip ng mga malalayo pang sitwasyon at tiyaking palagi siyang may kasama sa oras ng delikadong pagkakataon.


Kung kaya at hindi makakadagdag sa kanyang isipin ay subukang kumbinsihin kung nais nitong makipag-usap sa medical professional para sa karampatang paggabay.


Alalahanin din na hindi gaanong mahalaga ang kanyang tugon dahil higit na mahalaga ang maramdaman niyang may nakikinig sa kaniya na handang dumamay anumang oras.


Kung may kaanak kayong tila nararamdaman ninyong nakararanas na ng depresyon o kakaibang ugali kaysa dati ay maaari kayong makipag-ugnayan sa NCMH’s Crisis Hotline “Kumusta Ka? Tara Usap Tayo” na puwedeng tawagan 24/7 para sa psychological first aid.


Maaari ring tumawag sa 911; National Suicide Prevention Lifelineexternal icon: 1-800-273-TALK (8255); National Domestic Violence Hotlinexternal icon: 1-800-799-7233 or text LOVEIS to 22522; National Chile Abuse Hotlinexternal icon: 1-800-4AChild (1-800-422-4453) or text 1-800-422-4453.


Hindi masama na maging mapagmasid at sa gitna nang pagdududa ay agad na makipag-ugnayan sa mga propesyunal upang matiyak kung ang iyong mahal sa buhay ay nangangailangan ng medikal na atensiyon.


Sabi nga sa kanta, “Malayo ang tingin, wala namang tinatanaw” ‘pag ganito na palagi ang sitwasyon humingi na agad ng tulong!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page