top of page
Search
BULGAR

Mental health ng mga kabataang Pinoy, proteksyunan

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 13, 2023


Bilang Chair of Senate Committee on Health, naniniwala ako na ang kalusugan ay hindi lamang tumutukoy sa physical health ng isang tao, kundi maging sa mental health nito.


Kapag may isyu sa mental wellness ng isang bata, apektado rin ang bawat bahagi ng kanyang buhay – gaya ng kanyang academic performance, at pakikitungo sa pamilya at sa mga kaibigan.

Nitong Martes, September 12, inaprubahan na sa Senado ang Senate Bill No. 2200, o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, na layuning itaguyod ang mental health ng mga kabataang Pilipino sa pamamagitan ng pagtatalaga ng Department of Education ng mental health specialists at associates sa ating mga paaralan.

Bilang co-author at co-sponsor ng panukala, buong puso kong pinasasalamatan ang principal author at sponsor nito na si Senator Sherwin Gatchalian sa kanyang pag-prioritize rito. Ang kanyang dedikasyon sa kapakanan ng ating kabataan ay kahanga-hanga, at ang kanyang pamumuno sa pagtaguyod ng inisyatibang ito ay ating sinasaluduhan.

Ang pagpasa ng panukalang ito ay isang malaking hakbang patungo sa pagkilala at pagtugon sa pangangailangan ng mental health sa ating mga kababayan. Ito ay hindi lamang isang tagumpay para sa Senado o para sa mga may-akda ng batas, kundi isang tagumpay para sa bawat Pilipino na nangangailangan ng suporta at pang-unawa pagdating sa kanilang mental well-being.

Tungkulin nating lahat, bilang mga mamamayan at lingkod-bayan na tugunan ang isyu ng mental health. Nararapat lamang na magtaguyod tayo ng ganitong mga inisyatibo upang masiguro ang kaligtasan ng ating mga kabataan lalo na sa harap ng mga pagsubok na nagdudulot ng depresyon at iba pang karamdaman sa pag-iisip na dapat seryosohin at tugunan. Hindi biro ang ganitong mga karamdaman at bilang mga magulang at nakakatanda ay gabayan natin sila tungo sa mas matiwasay na kinabukasan.

Naniniwala rin ako na ang panukalang ito ay makakatulong sa pagtanggal ng stigma sa usaping mental health. Nagpapahayag ito na okay lang na pag-usapan ang naturang paksa at humingi ng tulong sa propesyunal kung kakailanganin.

Sa katunayan, mayroon din akong nai-file na Senate Bill No. 1786 na layunin namang magmandato ng pagkakaroon ng mental health offices sa ating mga public higher educational institutions sa bansa. Kung maipasa rin ito, naniniwala ako na malaki ang kanyang magiging papel sa pagtataguyod sa mental well-being ng ating mga kabataan.

Bukod sa trabaho bilang mambabatas, patuloy din tayo at ang aking opisina sa paglilibot sa bansa upang mamahagi ng tulong sa ating mga kababayan at makisalamuha na rin sa kanila upang personal na tugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Noong September 12, dumalo ako sa turnover ceremony ng motorcycle units para sa Motorcycle Riding Academy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung saan kinomendahan ko ang layunin ng naturang institusyon na mag-promote ng responsible driving sa mga Pilipino. Pagkatapos ay sinilip natin ang state-of-the-art na Communication and Command Center ng MMDA na ating pinondohan noon upang mas maisaayos ang pagtugon sa kalamidad, traffic management at public safety sa buong NCR. Nakasalamuha ko rin ang mga mayors ng Metro Manila sa aking pagbisita roon.

Dahil bisyo ko na ang magserbisyo, tuluy-tuloy din ang aking opisina sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan na apektado ng iba’t ibang krisis. Noong September 9, personal akong naghatid ng tulong sa 250 na fire victims sa Barangay Culiat, Quezon City, sa pakikipagtulungan ng opisina ni Congresswoman Marivic Co-Pilar.

Nabigyan rin namin ng dagdag na tulong pangkabuhayan ang ilang mga naging biktima ng krisis katuwang ang Department of Trade and Industry. Kasama rito ang mga tinamaan ng Bagyong Paeng noon sa probinsya ng Antique, partikular ang 59 benepisyaryo mula sa Patnongon, 20 sa Sibalom, 13 sa Bugasong, 12 sa Hamtic at dalawa sa Belison. Kaparehas na suporta rin ang natanggap ng 84 benepisyaryo sa Bataan; 20 na residente sa Dipaculao, Aurora; 32 sa Sanchez Mira, Cagayan; at 100 na MSMEs at mga biktima ng lindol naman sa Montevista at New Bataan, sa Davao de Oro.

Sa programang pangkabuhayan na ating isinulong noon at patuloy na sinusuportahan ngayon, binibigyan ng DTI ng negosyo kits ang mga kuwalipikadong benepisyaryo at ginagabayan sila paano palaguin ito. Ang palaging bilin ko sa mga benepisyaryo, masarap sa pakiramdam kapag napalago nila ang negosyo na kanilang pinaghirapan at naiuwi nila sa kanilang mga pamilya ang kanilang kita.

Sa ating pakikipagtulungan, nabigyan rin ng dagdag na suporta mula sa aming tanggapan at ayuda mula sa National Housing Authority na pambili ng mga yero, pako at iba pang materyales pampaayos ng bahay ang iba pang mga naging biktima ng sakuna noon. Kasama rito ang 22 na residente ng Antipolo City na apektado ng landslide at 85 na nasunugan noon sa Imus City, Cavite.

Samantala, sa ating adhikaing suportahan ang mga kabataan, nagbigay rin tayo ng dagdag na tulong sa 689 elementary at high school students sa Puerto Princesa City, Palawan, at sa 100 na nagtapos ng TESDA courses sa Danao City, Cebu.

Bukod pa rito, nag-abot rin tayo ng dagdag na suporta sa mga displaced workers na naging benepisyaryo ng TUPAD program ng DOLE, kabilang na ang 382 na manggagawa sa Iloilo City at 413 sa Talibon, Bohol.

Samantala, noong September 10 ay natapos na ang 2023 FIBA World Cup sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City kung saan nakuha ng Germany ang gold medal, Serbia ang silver medal, at Canada naman ang nakapag-uwi ng bronze. Pinupuri ko ang lahat ng naging parte ng matagumpay na pagdaraos ng napakalaking sport event na ito sa ating bansa, kasama na ang ating co-hosts na Japan at Indonesia.

Pinupuri ko rin ang ating national team, ang Gilas Pilipinas, sa kanilang pag-secure ng puwesto sa Olympic Qualifying Tournaments. Ang kanilang ipinakitang katatagan ay tunay na kahanga-hanga, kaya naman bilang Chair ng Senate Committee on Sports, buo ang aking suporta sa kanilang mga susunod na laban, kabilang na ang Asian Games at iba pang international tournaments.

Ipagpatuloy natin ang ating pakikiisa sa mga adhikaing layuning maiangat ang kalagayan ng ating bansa. Proteksyunan natin ang kalusugan ng ating mga kababayan at bigyan natin ang lahat ng oportunidad na maging produktibong miyembro ng ating lipunan.


Bilang inyong lingcod-bayan, patuloy akong tutulong sa abot ng aking makakaya sa mga mahihirap upang mailapit sa tao ang serbisyong kailangan nila mula sa gobyerno.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Yorumlar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page