ni Ryan Sison - @Boses | April 13, 2021
Sa mahigit isang taong pakikipaglaban natin sa pandemya na dala ng COVID-19, natutunan nating magpalakas ng katawan para maiwasang tamaan ng sakit.
Gayunman, sa kabila ng mga pag-iingat, hindi maiwasang mahawaan ng ilan sa atin, kaya naman talagang maraming sinubok ng sakit na ito at may ilang hindi na nakayanan ang bagsik ng virus.
Kaya sa totoo lang, hindi lamang mismong paggaling sa sakit ang hamon para sa COVID-19 patients at survivors dahil pagsubok din ang pagkakaroon ng mental health disorder habang nakikipaglaban sa sakit at kahit malabanan pa ito.
Dahil dito, ayon sa isang psychiatrist, mahalagang matutukan ang mental health ng mga taong nagpositibo at gumaling sa COVID-19 dahil pangmatagalan ang maaaring epekto nito.
Base umano sa isang pag-aaral, sa higit 230,000 pasyente, higit 33% o 1 sa bawat 3 COVID-19 survivor ang na-diagnose na may psychiatric disorder o sakit sa isip, ilang buwan matapos gumaling sa sakit kung saan karamihan sa kanila ay nakakaranas ng anxiety at mood disorders.
Samantala, ipinaliwanag ng isang neurologist na hindi lamang baga ang pinupuntirya ng COVID-19 dahil posible rin nitong atakihin ang utak ng tao, patayin ang malulusog na brain cells at magdulot ng malalang impeksiyon o komplikasyon sa central nervous system.
Kung tutuusin, hindi biro ang mahawaan ng COVID-19 at idagdag pa ang problemang maidudulot ng mental health disorder sa mga taong tinamaan ng virus.
Kaya naman ipinayo ng mga eksperto na mahalagang magkaroon ng support group sa mga kapamilya at kaibigan, lalo na sa mga COVID-19 patient at survivor.
Wala man tayo sa tabi nila sa mga panahong nakikipaglaban sa sakit na ito, iparamdam nating hindi sila nag-iisa sa laban na ito sa pamamagitan ng pangungumusta at pakikipag-usap sa kanila.
‘Ika nga, lahat tayo ay may kayang gawin para maibsan ang hirap at sakit ng ating kaibigan o kapamilya na tinamaan ng COVID-19. Habang nakikipaglaban sa pandemya, piliin nating maging mabuti sa isa’t isa, lalo na sa mga taong malapit sa atin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios