ni Anthony E. Servinio @Sports | Jan. 9, 2025
Photo: Ang Philippine National Futsal Team na sasabak kontra Kuwait sa 2025 AFC Women’s Futsal Asian Cup Qualifier Grupo C. (A. Servinio)
Laro sa Sabado – Tashkent 9 PM Kuwait vs. Pilipinas
Mananalo ang Pilipinas sa 2025 AFC Women’s Futsal Asian Cup Qualifier Grupo C na magsisimula ngayong Sabado sa Yunusubod Sport Complex sa Tashkent, Uzbekistan. Iyan ang matapang na pahayag ni Philippine Football Federation (PFF) Presidente John Anthony Gutierrez sa despedida ng pambansang koponan noong Martes sa Makati City.
Pormal na ipinakilala ang koponan na pangungunahan ng mga beteranang sina Katrina Guillou at Isabella Flanigan. Ang iba pang mga kasapi ay sina Sheen Borres, Shelah Cadag, Alisha del Campo, Cathrine Graversen, Rocelle Mendano, Vrendelle Nuera, Regine Rebosura, Dionesa Tolentin at mga goalkeeper Samantha Hughes at Kayla Santiago.
Gagabayan sila ni Coach Rafa Merino na bitbit ang malawak na karanasan sa mga mataas na antas na koponan sa Espanya. Tutulungan siya nina Coach Mark Torcaso ng Filipinas Football, Ariston Bocalan, Albert Besa at trainer Oshin Aguilon.
Unang haharapin sa Sabado ng mga #59 Pinay ang #61 Kuwait na nag-iisang kalaro na mas mababa sa kanila sa FIFA Futsal Ranking. Susunod ang host at #18 Uzbekistan (Enero 13), #38 Turkmenistan (15) at walang ranggo subalit peligrosong Australia (19).
Ang unang dalawa buhat sa apat na grupo at ang may pinakamataas na kartada sa mga magtatapos ng pangatlo ay tutuloy sa torneo sa Tsina mula Mayo 7 hanggang 18.
Ang ginto, pilak at tanso ay papasok sa pinakaunang FIFA Women’s Futsal World Cup sa Pilipinas mula Nobyembre 21 hanggang Disyembre 7 sa Philsports Arena at Victorias City.
Nagdaos ng training camp ang PFF noong Pasko at Bagong Taon upang mabuo ang koponan. Dagdag ni Coach Merino na maganda ang ipinapakita ng koponan sa ensayo at malaki ang suporta ng pederasyon, mga bagay na tutulong na maabot ang kanilang puntirya sa Uzbekistan.