ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 2, 2022
Mapanghinala ang tawag ng kalikasan. May kung anong magnet ito na humahatak at hindi mapahindian. Ang natural na mga kapaligiran, partikular na ang kabundukan at karagatan, ay malapit sa puso ni Jayson Ebisa, dating empleyado ng Public Attorney’s Office (PAO). Kaya naman maging sa huling sandali ng kanyang buhay, ang karagatan ay kanya pang napasyalan.
Napuntahan pa ni Jayson ang Boracay bago siya nagkasakit ng Meningitis at pumanaw. Ang mga alon sa dagat… ang simoy ng hangin… mayroon kayang ibinulong noon kay Jayson sa magaganap sa kanya sa susunod o huling yugto ng kanyang buhay?
Si Jayson, 32, ay namatay noong Agosto 29, 2022. Ayon sa nakakatandang kapatid ni Jayson na si Jeffrey Ebisa, umuwi ang nakababatang kapatid niya sa kanila sa Tarlac noong Agosto 17, 2022. Nagtaka si Jeffrey dahil hindi basta-basta umuuwi si Jayson, kadalasan ay tuwing may okasyon lamang. Madalas sumakit ang ulo ni Jayson, ani Jeffrey. Dahil dito, pinayuhan niya si Jayson na magpatingin sa ospital, na siya namang ginawa ng huli noong Agosto 19, 2022. Na-confine siya sa isang ospital sa Tarlac noong Agosto 23, 2022 hanggang siya ay pumanaw noong Agosto 29, 2022. Ang mga labi ni Jayson ay sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Laboratory Division (PAOFLD). Ito ay isinagawa ng mga forensic doctors at personnel ng PAOFLD. Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng masusing pag-aaral ang resulta ng nasabing forensic examination.
Si Jayson ay pangatlo sa apat na anak nina G. Carlito at Gng. Estrella Ebisa ng Tarlac. Ayon kay Jeffrey na siya namang pinakamatanda, akala nila ay ordinaryong sakit lamang ng ulo ang nararamdaman ni Jayson. Ngunit dahil matagal nang iniinda ‘yun ni Jayson, pinayuhan niyang magpatingin na ito sa ospital. Naaalala ni Jeffrey na habang nasa bahay pa nila ay nagsusuka si Jayson, pero nawala ‘yun, ang patuloy na nagpahirap kay Jayson ay ang matinding sakit ng ulo. Hinihilot-hilot siya ni Jeffrey para maibsan ang kanyang nararamdaman. Ani Jeffrey, “Sobrang sakit ng ulo ang naramdaman niya… para raw itong mabibiyak. Kaya paiba-iba ang posisyon niya.” Ang masakit gunitain na mga eksenang ‘yun ay malinaw na malinaw pa sa alaala ni Jeffrey, ngunit ganundin ang masasaya at humahaplos sa dibdib na mga gunita. Aniya, mapagmahal si Jayson. Pangarap nitong mapabahayan ang kanilang pamilya at mapatapos ang kanilang bunsong kapatid sa pag-aaral na sinusuportahan ni Jayson. Naunang tumulong si Jayson dito at dumagdag na rin si Jeffrey. Malapit nang magtapos sa pag-aaral sa kolehiyo ang bunsong kapatid nilang ito na nangangarap maging pulis. Nagmamarka sa memorya ni Jeffrey ang pagiging organisado ni Jayson. Aniya, “Palagi siyang nag-o-organize ng gagawin sa bahay. Parang siya ang pinakamatanda sa aming lahat. Siya ang nagde-decide.” Buong pangumbabang sinabi pa ni Jeffrey, “Kahit ako, inaamin ko naman na sa kanya ako nagko-consult sa mga bagay na hindi ko alam. Feeling ko, kasi ahead siya sa knowledge sa buhay sa labas.”
Sinusugan ni Nona Romey, kaibigan at kaopisina ni Jayson sa PAO at sa dati nilang katrabaho sa isang eskuwelahan, ang mabubuting katangian ni Jayson. “Masayahin siya at mahilig mag-organize ng mga lakad, katulad ng pagpunta namin sa Pangasinan bago mag-pandemic,” ani Nona. “Maalalahanin din si Jayson, maalaga at hindi madamot,” dagdag pa niya. Naaalala ni Nona na bago pa umuwi sa Tarlac ay nakaramdam na ng sakit ng ulo at likod si Jayson. Pinayuhan niya si Jayson na huwag matakot at manatili lang na mayroong positive vibe. Bagama’t naisip diumano ni Jayson na baka siya ay may tumor, nagagawa pa rin nitong magbiro, at hindi nito nakakalimutan na tawagan si Nona kahit na noong ito ay nasa Tarlac at tumindi na ang karamdaman.
Hindi niya makakalimutan si Jayson na madalas na naghihintay sa kanya tuwing uwian. Higit sa lahat, hindi niya makakalimutan ang pagpupursige nito na higit pang mapaunlad ang sarili upang makatulong sa kanyang pamilya. Ayon kay Nona, nasa PAO na si Jayson nang magsimula itong mag-aral sa kolehiyo. “Tuwing hapon, pagkatapos ng trabaho siya pumapasok. Information Technology ang natapos niya, kaya malaki ang utang na loob niya sa PAO. Talagang masasabi na produkto siya ng PAO,” sabi ni Nona.
Si Marivic Calipay ay isa pang kaibigan, kaopisina sa PAO at sa nabanggit na eskuwelahan ni Jayson na may magagandang alaala sa kanya. Ani Marivic, “Responsible siyang tao. Childlike… sweet. Mami-miss ko ang tawag niya sa akin na ‘beshie’, at ‘yung pagkakaroon ng parang kapatid na laging nand’yan. Wala na rin akong makakasabay pauwi. Super-close kaming dalawa kasi nakakasabay ko siya sa pagbubundok.” Naikuwento ni Marivic na dapat ay aakyat pa sila ng Mount Pulag, pero hindi natuloy dahil pumunta si Jayson ng Boracay. Nagplano na lang sila na akyatin ang nasabing bundok sa susunod na taon.
Bakit kaya ang karagatan at hindi ang kabundukan ang napiling puntahan ni Jayson bago siya pumanaw? Dahil ba ang karagatan ang maiiwanan niya sa lupa kaya sa kanyang huling sandali ito ang nais niya makita? At ang kabundukan naman ay tila hindi niya mami-miss, dahil ba mas mataas pa ru’n ang kanyang paroroonan na kalangitan? Hanggang sa muling pagkikita, Jayson….
Para sa PAO Forensic Team, anuman ang nasa likod ng pagkakasakit niya ay patuloy na tutuklasin at pag-aaralan upang magkaroon ng katahimikan ang bawat daing ni Jayson bago siya malagutan ng hininga.
Comentarios