top of page
Search
BULGAR

Meneses at Hernandez, maangas sa Nat'l Age-Group Chess Luzon

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | April 9, 2021




Winalis ng 8-anyos na si Evan Meneses ang oposisyon upang makopo ang unang puwesto sa Under 08 na kategorya ng National Age-Group Chess Championship Southern Luzon Leg.

Anim na beses nasabak sa engkwentro si Meneses, 4th seed at may rating na 1311, pero mula rito ay kumulekta ito ng anim na panalo. Napasama sa mga biktima niya sina Steve Zacky Bolico, Drinian Villanueva, Darren Tanada, Jay Emmanuel Sotaridona, Prince Jhamie Reyes at Caleb Royce Garcia. Nakuntento sa pangalawang puwesto si Villanueva habang nasadlak sa pangatlong baytang si Garcia.

Si Lexie Grace Hernandez ay hindi nagalusan sa kompetisyon sa U16-G para sa perpektong 7 puntos. Malayong pangalawa si Nicolle Ayana Usman (5.5 puntos) habang lalo pang nasa likuran bilang pangatlo si Yana Emilou Devera (4.5 puntos).

Halos perpekto rin ang naging rekord ng mga nangibabaw sa ibang pangkat na sina Jarvey Labanda (U20-B), Juncin Estrella (U14-B), John Curt Valencia (U10-B) at Christian Tolosa (U10-B). Anim na panalo at isang tabla ang ipinoste ni Labanda (rating: 2056) para sa 6.5 na rekord na nagtulak sa kanya sa trono ng U20. Malayong segunda ang limang puntos nina Joshua Navarro at Carl Anthony Canio. Ganito rin ang kwento sa sagupaang U14-B nang magsumite si Estrella (rating: 1877) ng 6.5 puntos. Segunda si Genesis Jahk Andres (5.0 puntos) at tersera si Phil Martin Casiguran (5.0 puntos).

Photo-finished sina Valencia at Tolosa sa U10-B dahil kapwa sila nakakolekta ng tig-6.5 puntos pero kay Valencia napunta ang unang puwesto dahil sa mas mataas na tiebreak points.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page