ni Mary Gutierrez Almirañez | April 20, 2021
Pinag-aaralan na ng Department of Science and Technology (DOST) ang mga posibleng gamot sa pasyenteng may COVID-19, kabilang ang Melatonin, Ivermectin, langis at mga halamang gamot, batay sa pagsusuri ni DOST Secretary Fortunato Dela Peña.
Aniya, “Mayroon tayong inaaral kamukha noong Melatonin kasi nakita po nila sa Makati Med, Manila Doctors na iyong mga matitinding severe patients ay nagte-take sila ng Melatonin… Actually, pampatulog po 'yun, pero nakakabuti raw po kaya inaprubahan din po namin ang clinical trial sa Melatonin at ongoing din.”
Dagdag pa niya, “Ang aming susubukan naman po ay isang bagong pormularyo na iyong tinatawag na methylprednisolone na isa pong steroid. Mayroon po kasing nasubukan na gamot iyong dexamethasone pero naghahanap po tayo ng isang katulad noon para hindi tayo magkaproblema sa intellectual property.”
Maliban dito ay pinag-aaralan din ng DOST ang Lagundi, Tawa-Tawa at virgin coconut oil na posibleng epektibo bilang gamot sa ilang sintomas ng COVID-19.
Samantala, isasailalim na rin sa clinical trial test ang veterinary product na Ivermectin, kung saan matatandaang ginamit ito nina dating Senate President Juan Ponce Enrile at kasalukuyang Senate President Tito Sotto. Dalawang ospital na rin ang inaprubahan sa paggamit nito dahil sa isinumite nilang compassionate special permit (CSP).
Sabi pa ni Dela Peña, “Pinakamahina po na buwan, kasi sa clinical trial, marami po talagang pinagdaraanan, maliban na lang kung talagang bigla pong magkaroon ng maraming-maraming magbo-volunteer, mapapabilis po.
“At ang plano po rito ay iyong mga quarantine center na malapit sa PGH ang pagsasagawaan nito. Mayroon na rin pong in-allocate na pondo ang DOH para dito sa clinical trials na 'yan,” paglilinaw pa niya.
Sa ngayon ay nakabuo na ng local ventilator ang mga taga-Technological Institute of the Philippines (TIP) at ang Don Bosco na ipinasusubok sa mga ospital.
Comments