top of page
Search
BULGAR

Mega Tower sa Mandaluyong nasunog, mga empleyado na-trap

ni Lolet Abania | September 2, 2021



Hindi pa mabatid ang bilang ng mga taong nai-report na na-trap sa loob ng isang ginagawang building nang sumiklab ang sunog sa Mandaluyong ngayong Huwebes nang umaga.


“Actually, meron na tayong rescuer sa itaas na nagbabasag ng salamin. ‘Yung ating sunog, kontrolado na siya, makikita natin, visible, ‘yung usok ay kulay puti na. Since may na-trap, hindi pa natin alam kung empleyado ‘yan, ina-assist ng ating special rescue force na maibaba,” sabi ni Fire Superintendent Alberto de Baguio, Mandaluyong City Fire Marshall, sa isang interview kanina.


Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa 27th floor ng Mega Tower sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong City bandang alas-10:26 ng umaga na umabot sa unang alarma.


Isang reporter mula sa Super Radyo dzBB ang nagsabing kitang-kita nilang may mga kumakaway pang mga tao mula sa gusali.


Ayon kay De Baguio, malaking problema para sa mga bumbero nang oras na iyon kung paano sila agad makakaakyat sa gusali.


“May self-contained breathing apparatus ‘yung team para maalalayan ‘yung mga biktima o ‘yung mga na-trap pero hindi pa ma-identify (kung ilan ang na-trap) kasi una sa lahat, ang problema natin, wala pang means of travel paakyat ng 27th floor,” paliwanag ni De Baguio.


Sa report nitong tanghali, idineklarang under control ang sunog bandang alas-1:52 ng hapon, habang tinatayang nasa 15 construction workers ang nailigtas mula sa nasunog na gusali.


Lima sa mga biktima na nagtamo ng minor injuries ang ginagamot na. Patuloy din ang mga bumbero na inililikas ang iba pang empleyado mula sa nasunog na gusali.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page