ni Lolet Abania | October 1, 2021
Ipinahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magde-deploy sila ng medical teams sa mga ospital sa National Capital Region (NCR) dahil sa patuloy na nagkukulang ng mga personnel sa mga pasilidad sanhi ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay AFP Surgeon General Col. Fatima Claire Navarro, inisyal na magtatalaga ng dalawang team ng militar sa mga ospital na binanggit ng Department of Health (DOH).
Binubuo ang bawat team ng isang military doctor at 5 military nurses.
Sinabi ni Navarro na ang unang deployment ay itatalaga sa St. Luke’s Medical Center (SLMC) kapag ang ospital at ang DOH ay lumagda na sa isang memorandum of agreement (MOA).
Nitong Setyembre, ayon sa St. Luke’s Medical Center umabot na sa kapasidad, ang mga COVID-19 wards at critical care units sa kanilang mga sangay sa Taguig at Quezon City.
Ito ay matapos din na mahigit 100 ng kanilang health workers ay sumailalim sa iba’t ibang stages ng quarantine dahil sa exposure sa COVID-19.
Ayon pa kay Navarro, bawat medical team ay kinakailangang magnegatibo sa COVID-19 test results at required sila sa isang 14-day duty kasunod ang isang 14-day quarantine.
"This is subject to extension or reallocation of DOH depending on their evaluation,” ani Navarro.
Ang pagde-deploy ng medical teams ng military sa mga ospital sa naturang rehiyon ay karagdagan lamang sa kasalukuyang deployment sa mega swabbing at quarantine facilities sa Metro Manila, habang sa ngayon may mga team na idinagdag sa mga healthcare workers sa Davao.
Comments