top of page
Search
BULGAR

Medical allowance ng mga guro, kailangang magpatuloy sa 2021

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | December 22, 2020



Bilang frontliners sa pagpapatuloy ng edukasyon, isinasakripisyo ng mga guro ang kanilang kaligtasan at kalusugan, kaya dapat hindi sila napagkakaitan ng anumang uri ng suporta na maaari nating ibigay sa kanila.


Kailangan nating tiyakin na tuluy-tuloy ang suportang pang-medikal na ibinibigay sa ating mga guro para patuloy na maitaguyod ang kanilang kapakanan.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, nais bigyang-diin ng inyong lingkod na dapat manatili ang medical benefits ng mga guro at maglaan ng pondo para dito sa panukalang national budget ng bansa sa susunod na taon.


Ang isa pang nais nating masiguro ay ang pagpapatupad ng Magna Carta for Public School Teachers o Republic Act No. 4670 na layong i-angat ang antas ng pamumuhay at kapakanan ng mga guro. Lumalabas na wala pang kalahati o 40 porsiyento lamang sa mga probisyon ng naturang batas ang ganap na naipatutupad. Kung kaya’t inihain ng inyong lingkod ang Senate Resolution No. 522 upang mariing siyasatin ang pagpapatupad ng Magna Carta o rebisahin ito kung kinakailangan.


Kabilang sa mga probisyon ng naturang batas ay ang libreng check-up para sa mga guro bago sila magsimulang magturo at taunang pagpapagamot nila kung sila’y magkasakit.


Mandato rin ng Magna Carta na hindi dapat lumalagpas sa anim na oras sa isang araw ang pagtuturo ng mga guro. At kung kailanganin man nilang magsagawa ng mga tungkulin na labas sa kanilang normal na gawain sa paaralan, dapat silang bigyan ng karagdagang bayad.


Itinalaga rin ng batas ang pagbibigay ng special hardship allowances para sa anumang maranasan nila kaugnay ng kanilang trabaho. Isang halimbawa nito ay ang hirap ng pagko-commute kung nakatira sila malayo sa lugar ng kanilang trabaho.


Importante na ating masiguro na kampante ang ating mga frontliners sa sektor ng edukasyon. Sa pamamagitan ng wastong pagtutok sa kanilang kapakanan, maipapakita natin ang pagbibigay-pugay para sa lahat ng kanilang mga sakripisyong hindi matatawaran at dapat na kilalanin, lalong hindi dapat abusuhin.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page