top of page
Search
BULGAR

Medical allowance ng mga guro, dapat ilaan sa 2021 budget

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 10, 2020



Sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19 sa kalusugan at kaligtasan ng lahat, kailangan nating siguruhing tuloy-tuloy ang suportang pang-medikal na ibinibigay sa ating mga guro para patuloy na maitaguyod ang kanilang kapakanan.


Bilang frontliners sa pagpapatuloy ng edukasyon, isinasakripisyo ng mga guro ang kanilang kaligtasan at kalusugan, kaya dapat hindi sila napagkakaitan ng anumang uri ng suporta na maaari nating ibigay sa kanila.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ang mungkahi ng inyong lingkod ay ituloy ang medical benefits para sa mga guro at maglaan ng pondo para dito sa panukalang national budget ng bansa sa susunod na taon.


Nakatakda nang talakayin ng Senado ang panukalang budget na P4.506 trilyon para sa 2021 sa muling pagbubukas ng sesyon ngayong buwan.


Kamakailan ay isiniwalat ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla na hindi na pinondohan ng Department of Budget and Management (DBM) ang medical allowance ng mga guro para sa susunod na taon. Ngayong taon, may P400 milyon pondong nakalaan para sa kanilang annual check-up o P500 kada guro.


Mas mataas ang panukalang pondo para sa Department of Education (DepEd) sa 2021. Mula sa P552.9 bilyon ngayong taon, nais itong gawing P605.74 bilyon sa susunod na taon.


Ang isa pang nais nating masiguro ay ang pagpapatupad ng Magna Carta for Public School Teachers o Republic Act No. 4670 na layong i-angat ang antas ng pamumuhay at kapakanan ng mga guro. Lumalabas na wala pang kalahati o 40 porsiyento lamang sa mga probisyon ng naturang batas ang ganap na naipatutupad. Kung kaya’t inihain ng inyong lingkod ang Senate Resolution No. 522 upang mariing siyasatin ang pagpapatupad ng Magna Carta o rebisahin ito kung kinakailangan.


Kabilang sa mga probisyon ng naturang batas ay ang libreng check-up para sa mga guro bago sila magsimulang magturo at taunang pagpapagamot nila kung sila’y magkasakit.


Mandato rin ng Magna Carta na hindi dapat lumalagpas sa anim na oras sa isang araw ang pagtuturo ng mga guro. At kung kailanganin man nilang magsagawa ng mga tungkulin na labas sa kanilang normal na gawain sa paaralan, dapat silang bigyan ng karagdagang bayad.


Itinalaga rin ng batas ang pagbibigay ng special hardship allowances para sa anumang maranasan nila kaugnay ng kanilang trabaho. Isang halimbawa nito ay ang hirap ng pagko-commute kung nakatira sila malayo sa lugar ng kanilang trabaho.


Importante na ating masiguro na kampante ang ating mga frontliners sa sektor ng edukasyon. Sa pamamagitan ng wastong pagtutok sa kanilang kapakanan, maipapakita natin ang pagbibigay-pugay para sa lahat ng kanilang sakripisyong hindi matatawaran at dapat na kilalanin, lalong hindi dapat abusuhin.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page