ni Gerard Peter - @Sports | February 8, 2021
Isang hakbang upang masigurong magiging malaki ang tsansa ng Pilipinas sa 31st Southeast Asian Games ay ang pagpapadala lang sa mga nagsipagpanalo ng medalya sa nagdaang 2019 biennial meet sa bansa.
Inihayag ni Hanoi meet Chef De Mission Ramon Fernandez na may posibilidad na mas magiging kaunti ang maipapadalang delegasyon sa regional multi-sport event ng bansa dahil pagbabasehan lang ang mga nagsipagwagi ng gold, silver at bronze medal sa 30th edisyon kung saan nakuha ng Pilipinas ang 2nd overall title sa pamamagitan ng 149 golds, 117 silvers, at 121 bronze medals sa kabuuang 387 medalya.
Tinukoy din ni Fernandez na sa 40 sports na napili ng Vietnam organizing committee na gaganapin sa Nobyembre 20-Disyembre 2, tanging 38 lang sa 520 events ang may tsansa na lumahok. “Our first criteria is by giving the medalist in the last SEAG shoe-in the Hanoi meet, but we’re still going to discuss it with the NSAs, baka kase may mga bagong sibol na batang magagaling. We will love to meet them muna,” pahayag ni Fernandez sa panayam ng Bulgar sa telepono, kasunod ng naganap na pagpupulong kay Philippine Olympic Committee (POC) President Cong. Abraham “Bambol” Tolentino nitong Biyernes.
Aniya pa, prayoridad nilang muling ipagpatuloy ang pagsasanay at paghahanda ng SEA Games-bound. Susubukan niyang ilapit sa PSC Board kung maaaring magamit na ang mga pasilidad sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex, partikular na ang Rizal Memorial Coliseum na mahigit isang buwan ng walang laman na mga pasyente ng Covid-19, matapos gawin itong Covid-19 facility maging ang Ninoy Aquino Stadium sa Maynila at Multi-Purpose Arena sa Philsports Complex sa Pasig City.
Planong ilagay din ang mga national athletes sa isang ‘bubble training camp’, kung saan ilan sa mga NSAs ay may napili ng mga pasilidad na pagsasanay kabilang ang Archery na nasa Dumaguete, Fencing sa Ormoc, Cycling at Skateboarding sa Tagaytay, Rowing sa La Mesa Dam at Wrestling sa Paranaque City.
Comments