top of page
Search
BULGAR

MECQ sa NCR Plus, dapat pa bang palawigin?

ni Ryan Sison - @Boses | April 27, 2021



Ilang araw bago matapos ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus, kani-kanyang pahayag ng opinyon at suhestiyon ang mga ahensiya ng gobyerno, gayundin ang mga eksperto.


Kaugnay nito, nagkakaisa ang mga doktor na huwag munang magluwag ng lockdown restrictions dahil mataas pa rin ang bilang ng COVID-19 cases.


Bagama’t aminado ang ilang ospital na may kaunting pagbabago ang sitwasyon at sinabi rin ni treatment czar at Health Undersecretary Leopoldo Vega na unti-unti nang nag-stabilize ang health care utilization rate sa nakalipas na linggo, ang tanong, kailan masasabing puwede nang magluwag?


Para kay Vega, dapat umanong bumaba sa 3,000 hanggang 4,000 ang bagong kaso ng COVID-19 kada araw. Sa nakalipas na linggo, higit 9,000 ang daily average cases, pero bumaba na rin umano ito mula sa dating halos 11,000.


Matatandaang bandang dulo ng Marso, isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases, na naging dahilan ng pagkapuno ng mga ospital. Mula naman Abril 12, ibinaba ito sa mas maluwag na MECQ hanggang Abril 30.


Kasabay ng unti-unting pagbaba ng COVID-19 cases, ‘ika nga, hindi tayo puwedeng makampate, lalo pa’t malapit nang pumalo sa 1 milyon ang mga kaso sa bansa.


Ibig sabihin, kailangan pa ring pagbutihin ng pamahalaan ang pagtugon sa pandemya, kaya naman minungkahi ng OCTA Research Group na dagdagan ang testing sa bansa sa 75,000 mula sa higit 50,000 daily average testing sa kasalukuyan upang madaling mahiwalay at matukoy ang may kaso ng COVID-19, kabilang ang mga asymptomatic o walang sintomas.


Gayunman, habang wala pang pinal na desisyon ang gobyerno sa susunod na quarantine classification, hindi puwedeng maghintay lang tayo bago kumilos. Bilang mamamayan, patuloy tayong sumunod sa minimum health standards, maging mas maingat kung lalabas at iwasang maglakwatsa kung hindi naman essential.


At panawagan sa mga kinauukulan, ikonsidera ang suhestiyon ng mga eksperto dahil sila ang nangunguna sa laban na ito.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page